IBINUNYAG ng mga dating kadre ng CPP-NPA-NDF ang planong destabilisasyon ng mga makakaliwang grupo sa administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon sa isiniwalat ng mga dating kadre, patuloy ang pang-uudyok ng mga teroristang grupo sa mga mamamayan upang kontrahin ang susunod na administrasyon.
Sa isang pulong balitaan, ibinunyag ng dating kadre na si Jeffrey ‘Ka Eric’ Celiz na malinaw aniya nang manalo si BBM sa pagkapangulo ay nang-udyok na ang CPP-NPA-NDF sa iba’t ibang sektor na umalsa laban sa bagong administrasyon.
Unang inudyukan ng mga makakaliwang grupo ani Ka Eric ang mga estudyante sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila na sinundan ng iba’t ibang pagkilos sa Southern Tagalog kabilang na rito ang kunwaring ‘bungkalan’ sa Hacienda Tinang.
Paglalahad pa ni Ka Eric na uudyukan ng mga makakaliwang grupo ang kanilang malilinlang na gumamit ng karahasan.
Aniya, kung gagamit ang administrasyon ni BBM ng ‘strong law enforcement’, ipalalabas nila na si BBM ay mabangis, malupit, at mapagsamantala sa taumbayan.
Dagdag pa ng dating kadre na susubukang guluhin ng mga makakaliwang grupo ang inagurasyon ni BBM sa darating na Hunyo 30.
Para kay NTF-ELCAC spokesperson Usec. Lorraine Badoy, hindi na ito sorpresa ang gagawing panggugulo ng mga ito.
Ayon kay Usec. Lorraine malaki kasing sampal sa CPP-NPA-NDF ang pagkapanalo ni BBM at ni Vice President-elect Sara Duterte.
Sa kabila ng mga banta na posibleng manabotahe o manggulo sa inagurasyon ni BBM ngayong Hunyo 30, puspusan ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Col. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP, ilang araw bago ang inagurasyon ay hinigpitan na nila ang seguridad sa palibot at sa loob ng National Museum upang aniya ay walang makalulusot.
Nasa 6,200 na police personnel ang ide-deploy ng PNP sa araw ng inagurasyon ni BBM.
May nakahanda namang reserved forces sakaling kailangang madagdagan ang puwersa upang masiguro ang seguridad sa palibot ng National Museum.
Dagdag pa ni Fajardo na patuloy rin ang kanilang koordinasyon sa mga malalaking venue kung saan planong maglagay ng LED TVs sa araw ng inagurasyon.
Ilan sa mga ito ay ang Philippine Arena sa Bulacan at Mall of Asia sa Pasay City.