Mga drayber ng bus, tiniyak na kondisyon at ligtas ang biyahe ngayong Holy Week

Mga drayber ng bus, tiniyak na kondisyon at ligtas ang biyahe ngayong Holy Week

TINIYAK ng pamunuan ng ilang bus companies na nasa kondisyon at physically fit ang kanilang mga drayber para masigurong ligtas ang kanilang biyahe ngayong Holy Week.

Sa panayam kay Robert Naguit Silvestre, Trainee Terminal Master ng Victory Liner sa Sampaloc, Maynila, tiniyak ng kanilang pamunuan na maiuwing ligtas sa kanilang destinasyon ang mga pasahero.

Para sa kapakanan ng mga pasahero, sinabi ni Silvestre na mayroon silang nakahandang pang-first aid, mayroon ding ambulansiya sakaling may emergencies at handog na free charging station ng cellphones sa kanilang terminal.

Paalala ng pamunuan ng naturang bus company sa mga bumibiyahe,

“Ang paalala namin sana uuwi nang sabay-sabay,” Robert Naguit Silvestre, Trainee Terminal Master ng isang bus company.

Bonding kasama ang pamilya, prayoridad ng karamihan ngayong Holy Week

Nang tanungin ang mga pasahero kung ano ang kanilang prayoridad na gagawin sa Holy Week.

Karamihan sa kanila ay gusto ang bonding kasama ang pamilya ang kanilang priorities.

“Pupunta po kaming Cagayan, family ng husband ko, ano po kasi ako, teacher sa Cagayan,” ayon kay Gemma Galleta, pasahero.

“Mag si-swimming tapos mga pinsan ko sa Iba, Zambales ‘di nakauwi,” ayon naman kay Cherry Aquino, pasahero.

“Sa Zambales din, bakasyon mga teacher” ani Christian Barrero, pasahero.

Publiko, hinikayat ng Toll Regulatory Board na kumuha ng RFID para sa mas mabilis na biyahe

Para naman sa mga dumadaan sa expressways, hinimok ng pamunuan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang publiko na kumuha ng (radio frequency identification) RFID para sa mas mabilis na biyahe.

Maigting din ang monitoring sa traffic situation, kung ano mang insidenteng maaaring mangyari ay matugunan kaagad at mabigyan ng ligtas at matiwasay na paglalakbay ang mga biyahero.

MARINA, patuloy na nakaantabay at nag-iinspeksiyon sa mga pantalan at mga barko ngayong Semana Santa

Kaugnay naman sa pagbabantay ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa seguridad ngayong Semana Santa.

Sinabi ni MARINA Enforcement Service (ES) Director Ronald Bandalaria na kasama sila sa ‘Oplan Biyahe Ayos’, sa pag-iimplementa ng heightened alert status sa mga barko at sa mga pantalan.

Aniya, mayroong mga tauhan ng gobyerno at kasama rito ang MARINA na nakaantabay sa mga pantalan at nag-iinspeksiyon ng mga barko para masigurado ang ligtas at mapayapang paglalakbay ng publiko.

May mensahe si Bandalaria sa lahat ng mga bumibiyahe ngayon.

 “Dito sa panahon po ng Semana Santa, hinihingi po natin sa ating mga pasahero na magdala ng dagdag na pasensiya. Alam naman po natin na ang paglalakbay sa panahong ito ay medyo mas maraming tao kaysa dati,” ayon kay Dir. Ronald Bandalaria, Enforcement Service MARINA.

Hinimok naman ng MARINA ang publiko na tumawag sa kanilang hotline number na 0939-953-4642 para sa mga nangangailangan ng tulong.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter