TULUYAN na ngang ibinasura ng 7 majority ang supplemental budget para sana sa Christmas bonus ng mga empleyado ng Dagupan City Government matapos ang ika-anim na special session ng sangguniang panlungsod na isinagawa bago matapos ang taong 2023.
“With the vote of seven five, napakabigat po sa ating dibdib the motion for the approval draft Ordinance Number 0-854 is hereby denied,” saad ni Vice Mayor BK Kua, Dagupan City.
Ganito kabigat ang kalooban ni Vice Mayor Kua nang ideklarang “denied” ang Ordinance No. 0-854 sa isinagawang ika-anim na special session ng sangguniang panlungsod para aprubahan ang supplemental budget na naglalaman ng Christmas bonus para sa mga empleyado ng gobyerno.
Kasama rin sa ibinasura ng seven majority ang supplemental budget para sa mga kagamitan sa pagtugon sa kalamidad at ang dalawang draft resolution kabilang ang 2024 annual budget ng Dagupan.
Nag-ugat ito sa hindi pagsang-ayon ng seven majority sa anila ay ‘illegal’ na pagpasa ng annual budget para sa taong 2023 noong Setyembre kaya naman ay ikinonsidera nila itong invalid.
Ayon kay Councilor Majority Leader Erfie Red Mejia, nakapagpasa na sila ng kaso sa Regional Trial Court laban sa ilegal na pagpasa ng minority sa annual budget ng 2023.
Prayoridad naman para kay Councilor Dada Reyna, ang legal integrity ng lungsod sa proseso ng pagpasa ng annual budget kaya naman ay ‘no vote’ ito sa mga supplemental budget ng lungsod.
“My hands are tied in this matter. The reason behind the decision is the legal complexity tied to passing a supplemental budget now. The annual budget for 2023 is under legal scrutiny and approving the supplemental budget at this point might complicate our city legal standing,” ani Councilor Dada Reyna, Dagupan City.
Hindi sinang-ayunan ni Councilor Michael Fernandez ang mga pahayag na ito ng majority block, aniya sinunod ng minority ang tamang proseso ng pagpasa ng annual budget at walang katuturan ang mga pahayag na ito ng seven majority.
“Hinahamon po natin si Councilor Red na puntahan nya ang records ng Sangguniang Panlungsod records na hawak ng ating Sangguniang Secretariat para makita niya mismo kung ano ang nangyari sa pagpasa ng annual budget ng 2023,” pahayag ni Councilor Michael Fernandez, Minority Leader, Dagupan City.
Sa isang FB post, nilinaw rin ni Mayor Belen T. Fernandez na idineklarang “operative in its entirety” ng Department of Budget and Management (DBM) ang naaprubahang 2023 budget ng Dagupan matapos itong busisiin ng ahensiya.
Aniya, taliwas ito sa pahayag ng majority seven na “illegal at erroneous” ang pagpasa ng budget.
Kaya naman ayon kay Mayor Belen Fernandez, hindi na serbisyo kundi napakalaking perwisyo ang ginawa ng seven majority dahil sa hindi lubos maisip na pagtanggi nilang maibigay ang Christmas bonus para sa mga empleyado.
Disyembre 30, 2023 ay muling nagtungo si Mayor Belen T. Fernandez sa sangguniang panlungsod upang sa huling pagkakataon ay hilingin sa 7 majority ang Christmas bonus ng mga empleyado ngunit hindi na nagpakita ang pito.
Nangako naman si Fernandez na magbibigay ito ng executive order na gawing araw-araw ang committee hearing kaugnay sa annual budget 2024 dahil hindi na papayag ang mayora na muli na naman itong maantala gaya sa nangyari sa annual budget ng 2023.