La Carlota City, Negros Occidental – Mayo 1, 2025 – Ilang araw bago ang halalan, personal na binisita ng mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga evacuee sa La Carlota City, na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Disyembre. Layunin ng pagbisita ang voter education upang masiguro na hindi mapipigil ang kanilang karapatang bumoto ngayong Mayo 12, 2025.
Mismong si COMELEC Chairman Atty. George Garcia ang nanguna sa pagsasagawa ng townhall-style voter education session, kung saan detalyado nilang itinuro ang tamang proseso ng pagboto gamit ang vote counting machine (VCM) — mula sa maayos na pagshade ng balota hanggang sa pagsumite ng boto.
“Walang maiiwan dito. Kahit sabihin man natin na 247 lang sila. Ang 247 ay mga botante — hindi naman sila foreigners na hindi pwedeng makaboto sa ating eleksiyon,” saad ni Atty. Garcia.
Nagpakita naman ng matibay na determinasyon ang mga evacuee, kabilang si Lorena Gamao, na nagsabing hindi hadlang ang kalamidad sa kanilang partisipasyon sa demokrasya.
“Actually, ang pagputok ng Kanlaon ay ‘di ‘yan makakaapekto sa pagboto. Ang pagboto ay palagi naman ‘yan idinaraos,” aniya.
Sa gitna ng hamon ng kawalan at pansamantalang paninirahan, nananatiling umaasa ang mga residente na matutugunan pa rin ng gobyerno ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, lalo na kaugnay ng kalamidad.
Bilang paghahanda sa posibleng paglala ng aktibidad ng bulkan, lumagda ang COMELEC at ang Office of Civil Defense (OCD) sa isang memorandum of agreement upang tiyakin ang tuloy-tuloy na halalan kahit sa gitna ng sakuna.
“Ang pagboto, kahit may kalamidad, ay hindi puwedeng maantala. Kayat marami kaming kinilalang pagsamahan upang itong karapatan ay mapanatili,” ani Usec. Ariel Nepomuceno, Executive Director ng OCD.
Tiniyak ng COMELEC na walang failure of elections sa La Carlota at sa buong Negros Island, kahit pa patuloy ang pagbabantay sa Bulkang Kanlaon at iba pang banta ng kalikasan.