NAGMISTULANG pantalan ang open park space sa La Trinidad Benguet dahil sa dami ng nakapilang sasakyan.
Dahil puno na doon, ang ibang mga sasakyan, sa Wangal Complex nag-parada.
Ang mga trak, perishable goods o mga suplay gulay ang dala.
Ayon kay Felix, dalawang araw na silang nakatengga sa parking lot sa pag-asang makapasok agad sa loob ng Benguet Agri Pinoy Trading Center.
Ang dahilan?
“Ah kasi sobra ang ‘yung ano, ‘yung dumating na gulay. Tapos ‘yung ano, ano sa loob ‘yung buyer eh pinipili ‘yung kinukuha. ‘Yung ibang dinadala namin, ‘yun nabubulok na. Binabalik namin doon sa probinsya namin,” ayon kay Felix Nagayos, Vegetable Farmer, Benguet.
Dahil sa oversupply ng mga gulay sa Benguet, maraming magsasaka ang apektado ang kabuhayan.
Kaya ang resulta, bumababa ang kalidad ng mga gulay- liliit ang kikitain.
Tulad na lamang ng mga tindang petchay baguio ni Aling Rose na ang bagong ani na kulay green ay nagiging puti.
“Maging puti na. Third class na kasi sa pila. Sa daming gulay, sa daming suplay,” ayon kay Rose Quiogue, Vegetable Farmer, Benguet.
Inabot ng tatlong araw si Aling Rose bago maipasok ang gulay sa trading post.
Ganito ang realidad ng mga magtatanim ng gulay sa Cordillera.
Kapag maraming suplay, pahirapan ang pagbebenta palabas sa Metro Manila at karatig lugar.
Kaya minsan, nagbebenta sila nang palugi.
At para hindi masayang, ang iba ipinamimigay na lamang nang mailuto at maihain sa hapag kainan.
At kapag minalas, tinatapon na lamang ang mga sobrang gulay dahil walang buyer.
Kaya hiling ng mga farmer sa pamahalaan, magtayo ng mga bagong bagsakan ng gulay sa Metro Manila.
Direkta anila itong hahawakan ng mga magsasaka- bawal ang middleman.
Pagtatayo ng bagong bagsakan sa Metro Manila, solusyon sa oversupply ng gulay
“Para sa akin, nakita ko kulang ang outlet ng gulay sa Metro Manila,” wika ni Billy Cariño, Chairman, Benguet-Viscaya Trading Post.
Para kay Cariño, kung mangyayari ito ay magkakaroon na ng opsyon ang mga taga-Kalakhang Maynila na makabili ng presko at abot-kayang pagkain.
Kaya ngayon, sila na anila mismo ang aaksyon at gagawa ng paraan para magkaroon ng bagong bagsakan.
“Kumpara noon, ang outlet natin Divisoria at Balintawak. Ngayon na dumami ang farm, parehas din. Divisoria at Balintawak ang matunog na outlet,” dagdag ni Cariño.