BUMIYAHE pa mula Mindanao ang mga indigenous people sa Liwasang Bonifacio para makiisa sa Kapangyarihan at Katarungan Ibalik sa Taong-Bayan (KAKISAB) Prayer Rally, kahapon Marso 4, 2024.
Kaisa ng mga libu-libong tagasuporta ng Kingdom of Jesus Christ, hustisya ang kanilang sigaw para kay Datu Pamulingan na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Anila hindi makatarungan ang mga pagdinig ni Sen. Risa Hontiveros laban kay Pastor Apollo na anila’y isang paninira lamang.
“Mensahe ko kay Hontiveros, dapat niyang itigil ang isyu kay Pastor Quiboloy dahil hindi iyan totoo,” pahayag ni Datu Genaro Federico, Talaingod Davao del Norte.
Dagdag pa ng mga leader ng indigenous people, tanging si Pastor Apollo lamang ang lumalaban sa kanilang mga karapatan.
Kanila ring iginiit na tanging ang SMNI lang sa lahat ng media ang may malasakit sa mga katutubo lalo na ang paglaban sa CPP-NPA-NDF na matagal silang niloloko.
“Noong panahon na kami ay ginamit ng CPP-NPA-NDF at sumurrender kami, ang unang media tumulong sa amin, walang iba kundi ang SMNI,” ayon kay Rurelyn Bay-ao, PIO, Mindanao Indigenous Peoples Youth Organization (MIPYO).
“Kaya ang lahat ng katutubo mula sa Mindanao ay mahigpit na nakikiisa sa laban ng SMNI at kay Datu Pamulingan,” dagdag ni Bay-ao.
“At si Pastor, pumunta kami rito upang suportahan siya dahil siya lang ang pastor na maunawain sa tribu na nagtataguyod ng kanilang mga karapatan sa labas. Kaya’t inaalagaan namin si Pastor at hindi namin pababayaang mawala ang kanyang SMNI dahil malaking tulong ito sa buong sambayanan dito sa buong Pilipinas,” wika ni Datu Enggo Unlaray, Ancestral Domain Representative of Matigsalog Diyaranon Tribe, San Fernando Bukidnon.
“Nasasaktan kami sa tribo dahil bakit gustong walain ni Hontiveros ang SMNI na kinikilala namin bilang tagapagtanggol ng aming karapatan. Nais namin na maiparating ang aming mga karapatan at mapakinggan ito upang hindi mawala,” ayon pa kay Unlaray.
Anila hindi sila hihinto at patuloy na mananawagan hanggang sa makamit ang hustisya para kay Pastor Apollo.
Ayon sa Mindanao Indigenous Peoples Council of Elders and Leaders, nasa 14 na milyon mula sa 18 tribo sa Mindanao ang sumusuporta kay Datu Pamulingan Pastor Apollo C. Quiboloy.