Mga ipinagbabawal na paputok, kinumpiska ng DTI

KINUMPISKA ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ipinagbabawal na paputok.

Tinungo ngayong araw ng DTI ang Bocaue, Bulacan na tinaguriang “Fireworks Capital of the Philippines” upang inspeksyunin ang mga pagawaan ng paputok doon.

Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na kapaskuhan at bagong taon.

Sa inspeksyon ng ahensya, nadiskubre na iilan sa mga ibinebenta ay ang mga ipinagbabawal na paputok at hindi lisensyado ng ahensya, kabilang dito ang crossfire, fountain, angel ball at iba pa.

Iilan lang kasi ang brand ng fireworks ang binigyan ng DTI ng lisensya, kaya’t paalala nito sa mga consumer dapat maging mapanuri sa pagbili.

May nakita rin aniya ang DTI ng pekeng Philippine Standard Safety Mark o PS Mark, senyales ito na hindi dumaan sa tamang pagsusuri ang mga produkto.

Hinihikayat din ng DTI ang publiko na mas mainam na huwag nalang gumamit ng mga pailaw ngayong pasko o bagong taon, para narin sa kaligtasan ng mga indibidwal kung hindi naman lisensyado ang produkto.

Aniya, hindi basehan na kapag mura ang isang produkto ay ligtas na itong gamitin, dahil maari itong maging dahilan ng aksidente.

Ani Usec. Castelo, ngayong 2021 anim lang na mga lisensyadong manufacturer ang pwedeng gumawa at magsuplay ng mga pailaw base na rin sa kalidad ng paggawa nito.

Kabilang ang Dragon, Diamond, LF Fireworks, Pegasus, Phoenix at Doube L.

Ang mga nakumpiskang pailaw ay dadalhin sa warehouse ng DTI para sa invetory.

Habang ang tindahan na nakunan ng ilegal na paputok ay pagmumultahin P17,000 hanggang P25,000 kada produkto.

At P300,000 naman ang multa sa manufacturer at isang taong pagkakakulong kung sila ay mahahantulang guilty.

Bukod dito, bibigyan din sila ng notice of violation at pagpapaliwanagin ng ahensya kung bakit hindi dapat sila parusahan sa paglabag.

Samantala, simula 2012 ay nagtitinda na ang mga ito ng pailaw sa Bocaue Bulacan, tinitiyak din nila na ang kanilang ibinibentang mga produkto ay dumaan sa tamang pagsusuri ng DTI at mayroong lisensya.

Kasunod nito, patuloy paring dinadayo ang mga tindahan ng pailaw sa Bulacan para mamili ng pangdagdag kulay para sa pagsalubong sa taong 2022.

Sa ngayon, mabibili ang Tube Fountain sa halagang P350, sa Phoenix Fountain naman ay nasa P700, P1,500 naman sa Dragon Fireworks at ROAR at P2,500 naman para sa Vesta.

SMNI NEWS