Mga isyu sa PNP, sasagutin ni PNP Chief Azurin sa tamang panahon—PNP Chief PIO

Mga isyu sa PNP, sasagutin ni PNP Chief Azurin sa tamang panahon—PNP Chief PIO

KINUMPIRMA ni Philippine National Police (PNP) chief PIO Col. Redrico Maranan ang pagharap sa publiko ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. kaugnay sa mga kinakaharap na isyu ngayon ng organisasyon.

Kaugnay ito sa mga isinawalat na impormasyon ni Interior Secretary Benhur Abalos, Jr. matapos nitong pangalanan ang nasa 11 matataas na opisyal ng PNP na sinasabing kasabwat sa nasabat noon na iligal na droga na nagkakahalaga ng 6.7 bilyong piso sa Tondo Maynila taong 2022.

Nanindigan si Abalos na hindi lamang isang tao ang nasa likod ng iligal na transaksiyon na ito kundi marami pa itong kasamahan sa operasyon.

Ayon kay Maranan, nakahanda ang liderato ng Pambansang Pulisya na harapin ang mga agam-agam laban sa kanilang hanay.

Sa katunayan, bukas din ang PNP sa mga posible pang imbestigasyon ukol dito maliban pa sa nagpapatuloy na pagsisiyasat na ginagawa ng pamahalaan sa pangunguna ng binuong investigating body ng DILG.

Una nang naghain ng resolusyon si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. para sa Senate investigation sa umano’y posibleng cover-up na kinasangkutan ni dating PMSgt. Rodolfo Mayo matapos itong mahulihan ng halos isang libong kilo ng shabu noong nakaraang taon.

Nauna nang sinibak sa serbisyo ang pulis habang patuloy ang paggulong ng kaso laban dito.

Suportado naman ng PNP ang panawagang leave of absence para sa mga heneral at iba pang opisyal ng PNP na isinasangkot sa nasabat na 990 kilo ng shabu sa Maynila.

Sa inilabas na pahayag ng PNP, sinabi nito na ang pagliban sa serbisyo ng mga isinasangkot na pulis ay pinakamainam na desisyon para bigyang-daan ang malalimang imbestigasyon ukol dito.

“Likewise, the PNP backs DILG’s call for the voluntary submission of leave of absence by PNP officers depicted to be directly involved in the arrest of PMSgt. Mayo as seen in the CCTV footages. We believe that such is the most prudent thing to do by said officers to prevent them to influence the investigation at any stage,” pahayag ng PNP.

Una na ring nanindigan ang PNP na wala silang sasantuhing maling gawain ng sinumang pulis anuman ang posisyon nito sa organisasyon.

Sa huli, aminado ang PNP na malaking hamon sa imahe ngayon ng Pambansang Pulisya ang sunud-sunod na pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan sa iligal na gawain pero gayunpaman anila, magsisilbi rin itong aral na mapabuti pa ang kanilang trabaho laban sa mga krimen, partikular sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter