Mga kandidato ng One Cebu Party sa 2025 midterm elections, ipinakilala na 

Mga kandidato ng One Cebu Party sa 2025 midterm elections, ipinakilala na 

NAGTIPUN-tipon ang aabot sa libong mga miyembro ng One Cebu Party sa buong probinsiya ng Cebu, sa Skyhall, SM Seaside City na pinangunahan ng founder nito na si incumbent Gov. Gwendolyn Garcia.

Ang magkapatid na Gov. Gwen at Cong. Pablo John Garcia ay muling naihalal ng partido bilang presidente at secretary general ng One Cebu Party.

“Parati nila tayong binibigyan ng pagpili kung anuman ang tinatayuan ng One Cebu. Itanim natin sa ating mga isipan…,” pahayag ni Gov. Gwendolyn Garcia, Province of Cebu.

Sa naturang convention, pormal ding nakipag-alyansa sa One Cebu Party, matapos lumagda ng “agreement of alliance” ang Alayon-Nacionalista Party sa Talisay City na pinangunahan ni Mayor Gerald Anthony “Samsam” Gullas, Kusug Party ng Cebu City ni acting Mayor Alvin Garcia, at Kaabag Lapu-Lapu Party ni Mayor Junard “Ahong” Chan.

Samantala, sa kabila ng suspensiyon na ipinataw kay Mandaue City Mayor Jonas Cortes, nilinaw nito na mananatili siyang kaalyado ng One Cebu Party.

“Dahil matagal na kaming One Cebu, so ang aming manifestation ay ipagpatuloy namin ang aming pakikipag-alyansa dala ang pagsusumikap para sa vision ng One Cebu,” saad ni Mayor Jonas Cortes, Mandaue City.

Ayon kay Toledo City Mayor Marjorie Perales, malaki ang advantage na maging kapartido ng One Cebu Party.

“Malaki talaga ang percentage na manalo pag nasa One Cebu Party. Kaya tuloy lang ang aming pagtatrabaho para sa Toledo City,” ayon kay Mayor Marjorie Perales, Toledo City.

Lubos naman ang pasasalamat ni Compostela Mayor, Felijur Quino na siya ang standard bearer sa pagka-alkalde ng One Cebu Party.

“Masaya ang team na may puso sa lungsod ng Compostela, sa pagkakadeklara na sumailalim sa liderato ng One Cebu ni Gov. Gwen. Malaki ang advantage namin kasi napakaganda ng performance sa Cebu Province ni Gov. Gwen. Kami naman sa LGU ay talagang nabibigyan ng mga proyekto,” wika ni Mayor Felijur Quino, Compostela, Cebu.

Sa ginanap na nominasyon sa One Cebu Party Convention si Gov. Gwen, ang ideneklarang standard bearer sa pagkagobernador sa lalawigan ng Sugbo sa ilalim ng One Cebu Party 2024 para sa darating na midterm elections.

Iprinisenta rin ang standard bearer o mga kandidato ng partido sa pagkakongresista sa bawat distrito.

Ang One Cebu Party ay ikinokonsiderang pinakamalakas na provincial political party dito sa bansa.

Ito’y binubuo ng 52 mula sa 53 Cebu mayors, 11 mula sa 12 congressman ng Cebu Province, 17 provincial board members at mayorya sa bilang ng mga alkalde, pangalawang alkalde, mga konsehal at maging barangay officials.

Sa matagal nang panahon, isinusulong ng One Cebu Party na pagkaisahin ang probinsiya ng Cebu, at hindi kailanman nito papayagan ang dati nang isinulong na sugbuak na ibig sabihin ay hatiin ang Cebu sa iba’t ibang probinsiya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble