ILANG araw matapos ang 2025 midterm elections, hindi pa rin humuhupa ang mainit na talakayan kaugnay ng naging resulta ng halalan.
Bagamat partial at unofficial pa lamang ang tally ng Commission on Elections (COMELEC), maraming eksperto na ang nagpapahayag ng kani-kanilang pagsusuri sa naging takbo ng eleksiyon—isa na rito si Dr. Christopher Ryan Maboloc na isang propesor ng pilosopiya at author ng Radical Democracy.
Ayon kay Dr. Maboloc, ramdam pa rin ang epekto ng “regional voting patterns” o ang pagkakaroon ng malakas na impluwensiya ng mga dating lider, partikular na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Dagdag pa ni Dr. Maboloc, isang “surprising twist” ang pagkapasok ni dating Sen. Bam Aquino at Kiko Pangilinan sa Top 5, kahit na sa mga naunang survey ay hindi sila kasama sa “Magic 12.”
Ang pagbabalik ni Aquino at Pangilinan sa mga posisyon na hindi inaasahan ng marami ay isang malinaw na indikasyon ng lumalalang pagkadismaya ng publiko sa mga kasalukuyang administrasyon at mga kandidato na itinuturing nilang mga “puppet” ng kasalukuyang gobyerno.
Ipinunto rin ni Dr. Maboloc ang pagkatalo ng ilang kandidato na bahagi ng alyansa ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na aniya’y resulta ng masalimuot na pananaw ng mga botante hinggil sa disloyalty at kawalan ng prinsipyo sa ilang mga opisyal na itinuturing na malapit sa administrasyon.
Samantala, malaking dagok naman aniya para sa mga kilalang personalidad ang naging resulta ng halalan, partikular na sa mga hayagang tumalikod kina dating Pangulong Duterte at Vice President Sara Duterte.