KINUMPIRMA ng Eastern Mindanao Command na natagpuan na ang nawawalang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) kaninang umaga lamang, Marso 5, 2025, bandang alas-onse ng umaga.
Nakita ang fighter jet sa bahagi ng Mt. Kalatungan, Bukidnon, kung saan kumpirmado rin ang mga labi ng dalawang piloto nito na kinilalang sina Major Jude Salang-Oy na tubong Cordillera Region at First Lieutenant AJ Dadulla ng Bukidnon.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine Air Force na si Col. Ma. Consuelo Castillo, patuloy pang inaalam ang dahilan ng pagbagsak ng naturang fighter jet na una nang naiulat na nawalan ito ng komunikasyon habang nagsasagawa ito ng tactical night operation.
Nagsilbing dagdag-puwersa ang nasabing aircraft para magsagawa ng air strike upang suportahan ang ground troops na nakikisagupa sa nasa 70 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Pantaron Mountain Range sa Bukidnon.
Paliwanag ng 403rd Infantry Brigade, Philippine Army, layon ng paghingi nila ng suporta ay para matiyak na mapahihina nito ang depensa ng kalabang rebeldeng grupo.
Humiling naman ng dasal ang Philippine Air Force para sa mga nasawi at suportang moral para sa mga naiwan nilang mahal sa buhay.
Napag-alaman na iniwan ni Major Jude Salang-Oy ang kaniyang asawa at isang sanggol habang nakatakda sanang ikasal si 1Lt. Dadulla sa fiancé nito ngayong Marso 15.
Natitirang FA-50 fighter jets ng PAF, pansamantalang grounded matapos bumagsak ang isa sa mga aircraft nito
Samantala, pansamantalang grounded ang lahat ng FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force (PAF) kasunod ng insidente.
Ayon kay Castillo, bahagi ito ng imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng insidente at matiyak ang kaligtasan ng iba pang sasakyang panghimpapawid nito.