Mga LGU, hinikayat na payagan ang mga ‘walk-in’ sa ‘Bayanihan Bakunahan’

INIHAYAG ng Malakanyang na mas maraming mababakunahan sa ikalawang ‘Bayanihan Bakunahan’ drive kung papayagan ng mga local government unit (LGUs) ang walk-ins.

Pero ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, nasa pasya pa rin ng mga lokal na pamahalaan kung paano ang magiging proseso sa pagtanggap sa mga ito.

Umapela naman si Nograles sa mga LGU na gawan ng sistema ang pagpayag sa mga ‘walk-in’ na magpapabakuna kontra COVID-19.

Matatandaang, nagkaroon ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang average 12-hour operating time ng pagbabakuna at huwag ipasara ang vaccination site hangga’t may mga tao pang nakapila para magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Hiniling na rin ng Punong Ehekutibo na buksan ang mga vaccination center araw-araw.

Sa kabilang banda, maaari ring pag-ibayuhin pa ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang house-to-house efforts para mabakunahan ang senior citizens at persons with comorbidities.

Samantala, umapela naman ang Malakanyang sa publiko na huwag nang mamili ng brand ng bakuna na ituturok sa kanila.

Muling nagbigay ng garantiya ang pamahalaan maging ang mga eksperto na ang lahat ng available na COVID-19 vaccines ay ligtas at epektibo para sa lahat.

Mababatid na sa unang yugto ng “Bayanihan, Bakunahan” na isinagawa nitong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ay nakapagbakuna ng nasa mahigit 8-M Pilipino.

Ang pagpapalawig ng dalawa pang-araw ng bakunahan sa iba pang mga lokal na pamahalaan ay nagresulta ng higit pa sa siyam na milyong indibidwal na nakatanggap ng coronavirus shots.

SMNI NEWS