INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagpapalawig sa implementasyon ng Executive Order (EO) No. 50 o ang mababang taripa sa ilang imported products tulad ng bigas, mais, at karneng baboy.
Nilalayon umano ng naturang EO na matiyak na magiging abot-kaya ang presyo ng mga bilihin sa gitna ng nagbabantang epekto ng El Niño phenomenon at African swine fever (ASF) sa sektor.
“The present economic condition warrants the continued application of the reduced tariff rates on rice, corn, and meat of swine (fresh, chilled or frozen) to maintain affordable prices for the purpose of ensuring food security, managing inflationary pressures, help augment the supply of basic agricultural commodities in the country, and diversify the country’s market sources,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
NEDA, iginiit na pansamantala ang mababang taripa sa ilang imported agri products na inaprubahan ni PBBM
Sinabi naman ng National Economic Development Authority (NEDA) na temporaryong solusyon lamang ito at binalanse nila para sa kapakanan ng mga consumer at producer.
Pero, muli na namang umalma ang iba’t ibang agricultural groups sa ginawang hakbang ng gobyerno.
Iginiit ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na maaari ito ang magiging dahilan ng pagkawala ng gana ng mga magsasaka na magtanim.
“Dahil pang-apat na taon na ito na tariff reduction baka madiscourage na ang mga farmer at hog raiser even poultry raisers na huwag nang mag-produce dahil lagi na lang imports ang nagiging sagot ng mga economic managers. Ayaw natin na dumating ‘yung point na tamarin na ang mga farmer na magtanim at mag-alaga ng mga hayop,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Pinangangambahan ng grupo na hindi makasabay ang lokal na produkto dahil sa mas mababang taripa sa imported products na tiyak magiging dahilan ng pagmahal ng bilihin.
“Ang El Niño, siya ay global phenomenon, ang El Niño lahat ng bansa ay tinatamaan sabi nga natin bakit tayo. Ang solusyon natin ay imports ay lahat naman ay tinatamaan why are countries like Vietnam and Thailand are able to shield ‘yung kanilang local producers even Cambodia naiiwan na tayo even Singapore,” dagdag ni Cainglet.
Hindi naman aniya naramdaman ng mga konsyumer ang mababang presyo ng bigas at karneng baboy.
Batay na rin sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) naglalaro na sa P40/kg-P52/kg ang presyo ng regular at well milled rice sa Metro Manila.
Dagdag ng SINAG, mas mataas ito ngayon kumpara sa presyo noong 2021 kung saan unang ipinatupad ang mababang taripa sa imported products.
Habang nasa P360/kg-P400/kg naman sa karneng baboy.
Grupo ng magbababoy, lugi ngayong 2023 dahil sa mababang taripa sa imported na karneng baboy
Ang grupo naman ng magbababoy, hindi na kinakaya ang mababang taripa sa imported na karneng baboy.
“Sa totoo lang nalungkot kami sa sektor ng pagbababuyan sa hog raisers dahil hindi pa kami nakatikim ng kita sa buong taon ng 2023, lugi ‘yung ating magbababoy,” ayon kay Rep. Nicanor Briones, AGAP Party-list.
Sa unang taon ng implementasyon nito ay kinakaya pa ng mga hog raiser dahil may sapat pang puhunan.
Pero, dahil na rin sa sunud-sunod na lugi, ngayong 2024 ay posibleng maraming hog raisers ang hindi na mag-aalaga.
“Sigurado ‘yan ay hindi magpaparami or hindi babalik ‘yung mga dating nag-aalaga ng baboy dahil maaring tumigil ‘yung iba sapagkat nalugi nga. So, bakit ka magpapatuloy kung nakikita mong hindi ka kikita,” dagdag ni Briones.
Kaya panawagan ng grupo sa pamahalaan na magkaroon na ng trigger price.
“Tingnan nila ‘yung farm gate price versus production cost, kapag nakita nilang nalulugi na aba’y dapat nang natigil na ang pag-iimport, dapat hayaan nilang kumita. Alagaan nila ang ating mga magsasaka para maengganyo na magparami ng alaga. Ang alam lang nila ay unlimited importation, pababain nila ang presyo ng bilihin hindi naman nangyayari,” ani Briones.
Sa ngayon, nasa 80,000 metric tons o katumbas ng 80 milyong kilo ng lokal na karneng baboy ang laman ng cold storage.
Sobra-sobra aniya ito ngunit hindi naman bumababa ang presyo ng karne sa merkado.
Kung kaya’t, hindi aniya solusyon ang pagpapanatili ng lower tariff sa imported products.
Dapat lang aniya na mas tutukan ng pamahalaan ang bentahan sa merkado at alamin kung nagkakaroon ba ng manipulasyon sa presyo.