MAY pakiusap sa Senado ang malalaking employers’ group sa bansa laban sa panukalang P100 dagdag-sahod across the board sa pribadong sektor.
Lusot na sa 2nd reading sa Senado ang panukalang batas na magkakaloob ng P100 dagdag-sahod across the board sa mga pribadong manggagawa sa bansa.
Ayon kay Senate President Migz Zubiri, Valentine’s gift nila ang panukala sa lahat ng mga manggagawa.
Kaya ang call center agent na si Sandra, pabor na pabor sa panukala.
‘Yes, po kasi ano di ba may mga transpo kami then ang pagkain namin siyempre ang mamahal na ng bilihin ngayon kaya sana dagdagan sana ‘yung sahod namin,’ ayon kay Sandra, Call Center Agent.
Pero sa isang press conference sa Quezon City ay binasag ng malalaking employer’s group ang kanilang katahimikan laban sa proposed wage hike.
Katunayan, lumiham sila kay Senate President Zubiri para ipaliwanag na maraming manggagawa ang hindi makikinabang sa panukala lalo na ‘yung mga walang employer.
‘Itong P100 increase na ‘to only benefit a portion of our workforce,’ ani Sergio Ortiz-Luis, Jr., Chairman, Employers Confederation of the Philippines.
‘Nandiyan ‘yung mga farmers, wala naman ‘yung employers ‘yung farmers eh’. Ilan lang naman ‘yung farmers na nasa corporate farming you know. ‘Yung mga fisherfolks natin,’ dagdag pa nito.
“‘Yung mga drivers, tricycle drivers, jeepney drivers, pedicab drivers, wala ring employers ‘yan eh. ‘Yung mga market vendors,” paliwanag ni Ortiz-Luis, Jr.
Katunayan, 84% ng workforce ng bansa ang hindi makikinabang sa nasabing across the board wage hike.
Ayon din sa grupo, katataas lamang ng sahod ng 15 sa 16 na regional wage boards sa buong Pilipinas kaya wala sa timing ang panukala.
Naniniwala rin ang grupo na pansamantalang solusyon lang ang isinusulong ng Senado.
At ang resulta nito, patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
‘Kapag meron pong wage increase, maganda ho ‘yun sa first 2 to 3 months na tinatawag. Pero after 2 to 3 months nong honeymoon period tataas na ho ang presyo ng bilihin,’ ayon naman kay Mr. Butch Guerrero, Director, Philippine Chambers of Commerce & Industry.
Ayon din sa grupo, tiyak makakaapekto sa mga foreign investor na gustong maglagak ng negosyo ng Pilipinas ang hakbang.
Dahil lumalabas na mas mataas ang bayad ng pasahod sa Pilipinas kumpara sa Vietnam, Indonesia, at Malaysia- na ang resulta ay pag-atras ng potential investor.
‘Okay lang ho kami magbigay ng minimum wage pero gusto ho naming nakatali sa productivity based. Pero kung ang productivity pareho pa ring tumataas nang tumataas ang minimum wage which is legislated na meron namang functioning wage board sa Pilipinas,’ dagdag ni Guerrero.
Umaasa naman ang grupo na pakikinggan ng Senado ang kanilang panig.
At humanap ng mas makatotohanang solusyon para mapaangat ang buhay ng mga Pilipino.
“Baka naman hindi ‘yung wage ang i-increase, baka naman kailangan ibaba ang presyo ng bilihin? Para ‘yung current wage natin ma-cover,” dagdag pa nito.
Samantala, nagsalita naman ang ECOP sa mga hakbang ngayon na amyendahan ang economic restrictions ng 1987 Constitution.
Malalaking employers’ group, nalalabuan sa isinusulong na Economic Cha-Cha
“Alam mo sa business sector, lahat kami boto na palitan ang economic provisions, kaya lang natatakot kami, ano ba ang dahilan? Baka ma-open kako ‘yung pandoras box? Gusto naming maliwanag na maliwanag (kung) ano ba talaga ang gagawin?” ani Ortiz-Luis Jr.