IWINAGAYWAY pa rin ng tennis fans ang Russian flag sa Australian Open sa kabila ng ban na ipinatupad ng Tennis Australia dahil sa kritisismo mula sa isang Ukrainian ambassador.
Gaya ng ibang laro, ang mga Russian at Belarusian tennis players ay makikipaglaban pa rin sa ilalim ng neutral banner ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Ukraine.
Ayon sa Tennis Australia, maaaring magpakita ng suporta sa mga manlalaro sa dalawang bansa pero hindi sa paraan na magkakaroon ng kaguluhan.
Makikita naman ang isang Russian flag sa mga manonood sa laban ng Russian na si Kamilla Rakhimova sa Ukrainian na si Kateryna Baindl na nagdulot ng panawagan ng Ukrainian Ambassador na tanggalin ito.
Kinumpirma naman ng Tennis Australia ang polisiya ng ban na ito sa mga bandila ng Russia at Belarus saanmang bahagi ng Melbourne Park hanggang sa pagtatapos ng unang grand slam ngayong taon.
Sa kabila nito ay makikita pa rin ang Russian flag sa John Cain Arena sa laban ng Russian 5th seed na si Andrey Rublev sa Austrian na si Dominic Thiem.
Samantala, kinausap naman umano ng security ang mga manonood at pinatanggal ang bandila ng Russia.