Mga nagdawit kay FPRRD sa extra judicial killings, kinasuhan na

Mga nagdawit kay FPRRD sa extra judicial killings, kinasuhan na

KINASUHAN na ang mga nagdawit kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa extra judicial killings.

Nahaharap na si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royima Garma at iba pa ng reklamong pagpatay laban kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong taong 2020.

Pormal itong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice nitong Lunes, Pebrero 3, 2025. Ang paghahain ng reklamo ay batay na rin sa kanilang mga ebidensiya na nakalap.

Partikular na inihain laban kay Garma maging kay dating National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo at iba pa ay mga kasong murder at frustrated murder.

Matatandaan na noong Setyembre 27, 2024, itinuro sina Garma at Leonardo bilang mastermind sa pagkamatay ni Barayuga ngunit itinanggi ito ng dalawa.

Bilang tugon naman sa alegasyon laban sa kaniya, sinabi ni Garma na napag-utusan siya ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipatupad sa buong bansa ang umano’y reward system ng Davao City. Sa naturang reward system ay makatatanggap ng pabuya ang isang pulis depende sa bilang ng drug suspect na kanilang napatay.

Nang mamatay si Barayuga noong Hulyo 2020 sa Mandaluyong, 3:30 ng hapon, ay may mga alegasyong lumutang na sangkot ito sa ilegal na droga ngunit wala namang makikitang record para patunayan ito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter