TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na may mananagot kapag nalaman nilang may nagkanlong sa namayapang si Dating BuCor Deputy Director Ricardo Zulueta na isinasangkot bilang suspek sa pamamaslang ng brodkaster na si Percy Lapid.
Matatandaang, kasama si Zulueta ni Dating BuCor Chief Gerald Bantag at parehong at large sa nasabing krimen.
Nabatid na namatay si Zulueta sa isang ospital sa Bataan dahil sa heart failure.
Ayon sa PNP, kasong harboring o obstruction of justice ang posibleng ipataw sa sinumang tumulong kay Zulueta para manatili sa isang lugar habang pinaghahanap ito ng mga awtoridad.
Batay kasi sa impormasyon ng Bataan Provincial Police Office, may isang gabi pa dumating si Zulueta bago ito idineklarang patay sa ospital na pinagdalhan nito.
Samantala, ipinauubaya na lamang ng PNP sa pamilya ni Zulueta ang posibleng pagsasagawa ng otopsiya sa bangkay ng kanilang kaanak matapos na umalma ang Department of Justice (DOJ) sa kung paano at ano ang basehan ng ligalidad ng pagkamatay ni Zulueta.
Posible kasing hingin ng DOJ sa pamilya ni Ricardo Zulueta ang otopsiya sa bangkay bilang nananatiling suspek pa rin ito sa krimeng pagpatay kay Percy Lapid.
Batay sa impormasyon ng PNP, kumuha na ang DOJ ng fingerprints at larawan ni Zulueta sa pakikipagtulungan sa local police sa Bataan para sa ikalilinaw sa nasabing isyu habang iginagalang naman ng PNP ang magiging desisyon ng pamilya ng namayapang si Zulueta kung makikipagtulungan ito sa mga awtoridad.