UMINIT ang social media sa video na in-upload ng isang content creator na nagsabing nakuha niya ang access sa CCTV system ng isang call center company sa Cebu City.
Sa nasabing video, tumambad sa publiko ang aktwal na galawan ng umano’y scam hub, mula sa pagkakaayos ng mga upuan, hanggang sa pagtatrabaho ng mga empleyado sa harap ng kanilang mga computer, tila isang lehitimong opisina. Ngunit ayon sa mga awtoridad, may itinatagong panlilinlang sa likod ng mga monitor.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary Aboy Paraiso, lahat ng mga taong nagtatrabaho sa operasyon ay mga Pilipino. Isang lalaki na kinilala sa alyas na Adam ang sinasabing utak ng naturang scam.
“Well it’s an investment scam. They ask people to invest in AI application of sorts or an AI company of sorts. In terms of money, according to calculation of the content creator, this is an $800,000 industry per year. That small operation is worth $800,000,” wika ni Asec. Aboy Paraiso, DICT.
Dagdag ng opisyal, bahagi ng kanilang mas malalim na imbestigasyon ang pagkalap ng ebidensiya mula sa CCTV video at pakikipag-ugnayan sa uploader ng viral video.
Nakipag-ugnayan na rin ang DICT sa PNP Cybercrime Group at sa National Bureau of Investigation upang tugisin ang mga nasa likod ng scam.
Tiniyak ni Paraiso na may mga natukoy na silang persons of interest, at layon nilang tukuyin pa ang iba pang international scam hubs na posibleng kumikilos sa Pilipinas.
“To be fair we have to investigate further but the investigation of MRWN has provided good lead and in fact we have several persons of interest already that we would pursue our investigation and hopefully we could attribute certain crimes with them.”
“We are after accountability. We hold them to account. We can only put a stop to these scam hubs if we put people behind bars,” ani Paraiso.
Sa ngayon ay ipinasara na ng mga awtoridad ang naturang opisina. Ngunit sa isinagawang ocular inspection ng PNP, wala na silang nadatnang tao.
Tanging mga computer units, laptops, at personal na gamit ang naiwan sa lugar.
Isinailalim na ito sa search warrant operation upang masuri ang mga digital devices at alamin kung may laman itong ebidensiya ng mga ilegal na aktibidad.