NANINIWALA ang Philippine National Police (PNP) na hindi iisang grupo ang nasa likod ng mga naitatalang pananambang sa ilang politiko sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang nangyaring pamamaslang sa ilang opisyal ng gobyerno ay mariin namang kinondena ng ilang opisyal ng League of Municipalities of the Philippines.
Kasunod ng mga naitatalang pang-aambush sa ilang politiko sa bansa, hindi lang isang grupo ang tinitingnan ng mga awtoridad na nasa likod ng mga pananambang na ito.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., magkakahiwalay ang grupo na nasa likod nito mula sa magkakaibang operasyon at motibo.
“I would not say na isang grupo lang,” pahayag ni PGen. Rodolfo Azurin Jr., Chief PNP.
Tinitiyak pa rin naman ng PNP na tuluy-tuloy ang kanilang pagtugis sa mga responsable ng pamamaslang sa mga opisyal ng gobyerno.
Samantala sa panayam ng SMNI News kay League of Municipalities of the Philippines Vice President of External Affairs Nunungan Lanao del Norte Marcos Mamay, aminado ito na kanyang ikinababahala ang mga pangyayari.
Kaugnay nito’y nagbigay ang alkalde ng payo sa mga kasamahan nito sa politika.
Mas mainam aniya na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga lakad nito para sa karampatang seguridad para sa kanila.
“Hangga’t maaari po lalo na kapag may mga threats sa kapwa mga elected officials, kinakailangan po ‘yun lalo na ‘yung mga kasama nating may mga threats, so kailangan makipag-ugnayan bago umalis at saka alam ng mga kapwa natin at mga partner nating men-in -uniform kung saan tayo pupunta para kahit papaano mabigyan din ng securities no, para maging safe ang bawat isa,” ani Mayor Marcos Mamay, Nunungan, Lanao del Norte.
Samantala, nakatakdang magpupulong ang nasabing grupo para sa siguridad ng kanilang mga kasamahan at kung papaano ito maiiwasang maulit sa iba pang opisyal ng pamahalaan.
Sa huli, inatasan din ng DILG ang PNP na paigtingin ang kampanya laban sa private armed groups at loose firearms sa bansa, lalo na sa Mindanao.
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, Jr. kailangang mabuwag na ang mga grupong ito upang matigil na ang mga kriminal na aktibidad kagaya nito lalo na laban sa mga opisyal ng gobyerno.
“Kailangang tukuyin at buwagin ang mga pags na ito at kumpiskahin ang loose firearms na nasa kanilang pag-aari na maaaring ginagamit nila sa mga iligal na gawain. I also expect the PNP to stay true to its mission to serve and protect the citizenry by exerting sustained, deliberate, and committed efforts to stop this senseless violence against local officials and prevent criminal activities,” ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, Jr.
Nitong mga nakalipas na araw ay inambush si Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan at ang pinakahuli ay si Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Parehong nakaligtas si Gov. Adiong at Mayor Montawal samantalang nasawi naman si Vice Mayor Alameda.