NAKATANGGAP ng tulong-pinansiyal ang mga nasalanta ng buhawi sa bayan ng Bacolor ng Pampanga.
Napalitan ng pag-asa ang bangungot na hatid ng buhawi sa mga residente ng Bacolor noong Hunyo 22 matapos ang agarang paghahatid ng kinakailangang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ni Bacolor Mayor Eduardo Diman Datu ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal at bigas para sa mga nasalantang pamilya bilang paunang tulong.
Malaki naman ang pasasalamat ng alkalde dahil walang naitalang nasawi bagaman katakut-takot ang lakas ng naminsalang buhawi na nag-iwan ng matinding perwisyo sa kanilang lugar.
“Sa pagmamahal ng Panginoon wala naman tayong nawalan ng buhay. ‘Yung mga nasaktan konti lang naman, ‘yung nasira ay ‘yun talagang mga properties, damage to properties including ‘yung churches, ‘yung mga pamamahay ng ating kababayan,” ayon kay Mayor Eduardo Diman Datu, Bacolor, Pampanga.
Ayon sa kapitan ng Brgy. Cabalantian, kung saan dumaan ang buhawi, hindi nila inaasahan na bigla silang makararanas ng ganitong klase ng sakuna na tanging sa pelikula lamang nila nakikita.
Kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa alkalde na sila’y agad binahagian ng paunang tulong at nagbigay pag-asa na agad makababangon ang mga pamilyang nasalanta.
Pagbabahagi pa ng Municipal Disaster Risk Reduction Officer (MDRRO) ng Bacolor, hindi rin nila inaasahan na bigla silang dadalawin ng ganitong klaseng buhawi.
Aniya, nakaalerto ang kanilang team dahil sa nagbabadyang thunderstorm noong araw na iyon pero hindi nila lubos akalain na isang buhawi ang bibisita sa kanila at nag-iwan ng malaking aral upang mas lalo pang maging handa sa anumang sakuna at kalamidad na darating.
“Nakakatanggap kami everyday regularly ng rain alert galing sa Provincial DRRMO natin. So, that day isa sa mga pinadala nila na thunderstorm advisory ‘yung 4:49 na na-receive namin. So ang ine-expect namin ‘nun is ulan talaga dahil ‘dun sa advisory nakalagay doon heavy to intense rainfall kasama ‘yung Bacolor, Pampanga nakalagay. But in the afternoon of that, 3:00 o’clock, nandito kami lahat, mainit talaga, and then ‘yung mga bandang alas singko ngayon nanalasa na ‘yung buhawi,” ayon kay Rio Villafania, MDRRO Bacolor.
Matatandaan na noong taong 1991 ay sumabog ang Bulkang Pinatubo at matinding pinsala ang idinulot lalo na sa bayan ng Bacolor, at kung ano-ano pang kalamidad ang tumama at sumubok sa munisipalidad.
Kaya naman malaki talaga ang pasasalamat ng alkalde dahil walang naitalang nasawi at maliliit na kaso lang ng injury ang naitala.
“Alam naman po natin na this is an act of nature. So, patuloy po tayo manalangin na talagang kailangan palagi tayong safe, mag-ingat po tayo palagi at simple lang po ang buhay. Gagawin po natin ang araw ngayon, bukas is uncertain, ang importante po buhay tayo sa pagmamahal ng Panginoong Diyos,” dagdag ni Mayor Eduardo Diman Datu.
Sa ngayon ay inaalam pa ang inisyal na halaga ng nasirang mga istruktura na tinatayang aabot sa daan-daang milyong piso.
Isa sa mga lubhang nasalanta ng buhawi ang supermarket na pagmamay-ari ni Tony Bayona, na tinatayang aabot sa P2-3-M ang halaga ng nasirang ari-arian.
Pagbabahagi pa ni Bayona na sa dinami-dami ng naranasang kalamidad sa bayan ng Bacolor mula pa lang sa Pinatubo, lindol at pandemya ay talagang malaki ang pasasalamat nito dahil buhay at ligtas sila ng kaniyang pamilya at mga trabahante bagaman pawang nasugatan mula sa mga debris na nagliparan dala ng buhawi.
“’Yung mga yero lumilipad siya parang papel lang ang hahaba ng yero galing diyan. Lumipad siya parang ano lang, papel lang. Akala ko nga ‘di totoo. Saglit lang kasi nawala din. Ano ‘to panaginip lang sabi ko sasarili ko. Eh wala eh totoo na pala e. Kinakatok ko pa nga ‘yung sarili ko pa nga, ‘yung sarili ko oh parang hindi to totoo. Ganito pala talaga, ngayon lang ako nakaranas ng ganyan,” ayon kay Tony Bayona, may-ari ng Baytra Supermarket.
Bunsod nito, isasali na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa kanilang paghahanda ang mga ganitong klase ng sakuna upang maiwasan na may mangyari pang masama sa buhay ng mga tao.
“We will definitely include this preparedness plans ngayon ‘yung posibleng mga buhawi na ganyan. So, ‘yan kapag may namumuo ng mga thunderstorm, mainit, we will make an advisories na rin sa baba, possible na ganito. So, meron silang mga pagkakataon na makapag-prepare,” ani Rio Villafania.