Mga nasawing rebelde, dahil sa engkuwentro sa Nueva Ecija, nadagdagan pa

Mga nasawing rebelde, dahil sa engkuwentro sa Nueva Ecija, nadagdagan pa

NAKILALA na ng Philippine Army (PA) ang lima sa pitong miyembro ng komunistang teroristang grupo na nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng militar sa Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija nitong Hunyo 26, 2024 araw ng Miyerkules.

Ayon sa 84th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang mga nasawing rebelde ay sakop ng Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon (KRGL).

Ang lima ay kinilalang sina Hilario Guiuo alias ‘Berting’, Acting Secretary ng KRGL, at kinikilalang Commander ng Regional Operational Command; Harold Sarenas Meñosa alias ‘Luzon’, Commander, Pltn ng Silangan Gitnang Luzon; Pepito Trinidad Bautista alias ‘Dylan’ Team Leader ng Sqd Tersera, Pltn Silangan Gitnang Luzon; Reynan Mendoza alias ‘Mel’, at Archie Anceta alias ‘Joel’ habang sinisikap pa ng mga awtoridad na makilala ang dalawang iba pa.

Sa nasabing engkuwentro narekober ng mga sundalo ang 10 high-powered firearms, 1 low-powered firearm, mga subersibong dokumento at mga personal na gamit.

Samantala, sa panayam kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, habang nagsasagawa ng search and clearing operation ang mga sundalo ilang metro sa nasabing lugar, tatlong bangkay pa ng mga rebelde ang kanilang nakita na pawang mga babae. Mayroon din silang natagpuang apat na armas.

Pinaniniwalaan na ang mga ito’y inabandona ng kanilang mga kasama habang tumatakas sa mga awtoridad.

“Dahil sa continuous ‘yung search operations ng ating mga tropa ay nakita ulit itong additional na bangkay nung members ng CPP-NPA kasama ‘yung kanilang mga firearms ito ngang tatlo ay mga babae at pinaniniwalaan nating iniwan ng kasamahan nila habang papatakas doon sa area noong encounter site,” ayon kay Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.

Pinuri naman ni Brigadier General Norwin Joseph Pasamonte Commander, 703rd Infantry Brigade ang naging katagumpayan ng 84th Infantry Battalion laban sa mga komunistang grupo sa CTG Nueva Ecija at dahil na rin sa pagsisikap ng nasabing unit na mapanatili ang kaayusan at seguridad sa naturang lugar.

Kasabay ang pagpapaabot ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga rebelde, sinabi rin ni Dema-ala na hindi nagkulang ang gobyerno sa pagpaalala sa mga CTG na sila’y sumuko.

“We would like to express our sympathy to the bereaved families of those who died and I am saddened that they reached to this point. Hindi nagkukulang ang gobyerno sa panawagan na sumuko na at magbagong buhay. Handa ang gobyernong tanggapin ang may gustong yakapin ang kapayapaan para makapiling ang kanilang pamilya. Nawa’y magsilbi itong aral sa mga natitirang CTG na ipinaglalaban ang kanilang huwad na ideolohiya,” ayon kay BGen. Norwin Joseph Pasamonte, Commander, 703rd Infantry Brigade, PA.

Sa ngayon ay inihahanda na ng gobyerno ang labi ng mga terorista para bigyan ng disenteng libing.

Sa huli, muling nanawagan ang pamahalaan sa mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko na at bigyan ng pagkakataon na mamuhay nang payapa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble