NAGPASIKLABAN ang mga overseas Filipino worker (OFW) at ilang celebrities sa isang friendly basketball game sa Ninoy Aquino Stadium sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex nitong Sabado.
Bahagi ito ng Bida sa Kapaskuhan activity ng OFW Party-list para sa mga OFW kasama ang kanilang pamilya.
“Balik po natin na harinawa na maging taon-taon mayroon tayong ganito para sa ganoon ‘yung mga mahal na OFWs ay maging malusog, mas magaling ‘yung pamumuhay nila at mas magiging excited sila sa mga programa at projects ng OFW Party-list,” ayon kay Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, OFW Party-list.
Sa score na 80-82, nagwagi ang Team OFW laban sa Team Bida.
Higit 1,000 OFW kasama ang kanilang pamilya ang nakilahok sa nasabing aktibidad.
Mga OFW, binigyang-pugay ng ilang celebrity
Hindi naman pinalagpas ng ilang celebrity na bigyang-pugay ang mga OFW.
“Sa lahat ng OFW, saludo po kami sa inyo. Alam po namin ang sakripisyo na talagang hinaharap ninyo para sa inyong minamahal. Kaya God bless you always at mabuhay tayong lahat,” ayon kay Joross Gamboa.
“Sa lahat po ng mga OFW, just wanna say thank sa sacrifice niyo. Malayo kayo sa pamilya niyo and ‘yun nag-sacrifice kayo para sa Pilipinas din,” ayon kay JR Cawiling.
“Maraming maraming salamat sa inyo. Dahil sa inyo ang buhay po ng iba ay gumiginhawa dahil sa tulong ninyo. Maraming maraming salamat sa inyo,” ayon kay Joko Diaz.
“Harinawa magkita kita tayo pagbalik niyo po dito sa Manila. Ang lahat po ng batas ay gagawin natin para po in aid of legislation para po sa inyong proteksyon, sa inyong kapakanan sa ating mga OFWs, sa lahat po sa inyo, one Filipinos worldwide,” wika ni Magsino.