PERSONAL na humarap sa Kamara ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) para idepensa ang kanilang panig sa naganap na New Year’s Day aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kung maaalala, higit 65,000 domestic at international passengers ang hindi nakalipad nitong January 1 dahil nagka-aberya ang Air Traffic Management System ng CAAP.
Ang palyadong UPS (Uninterruptible Power Supply) ang unang dahilan ng insidente.
Pero paglilinaw ng CAAP, ang palyado nilang circuit breaker ang dahilan ng aberya.
“Initially po ang ano namin findings naming is that walang lumalabas sa UPS so initially UPS po ang problema,” saad ni Engr. Arnold Balucating, CAAP.
“Ang nalaman po naming may problema, ang na-troubleshoot po namin o nalaman po naming may problema is that merong circuit breaker po ditong sira,” dagdag ni Balucating.
CAAP, bumili ng dalawang bagong UPS matapos ang aberya sa NAIA
Agad naman daw naayos ang circuit breakers kaya nakabalik sa operasyon ang air traffic system matapos ang ilang oras na aberya.
Bilang solusyon, ay nag-order ang CAAP ng 2 bagong units ng UPS sa ilalim ng emergency procurement scheme.
Plano rin ng CAAP na itayo na ang Phase II ng kanilang CNS/ATM system na may budget na P139 million sa ilalim ng 2023 budget na inaasahang makukumpleto sa unang quarter ng 2024.
Pero dahil circuit breaker ang tinuro ng CAAP, hindi nakalusot sa mga mambabatas kung bakit UPS ang bibilhin?
“Mr. Chair, if the circuit breaker is the problem why did we buy new UPS? Recommends Mr. Chair?” tanong ni Rep. Bernadette Herrera, BH Party-list.
Saad naman ng CAAP na panahon na para palitan ang UPS dahil may kalumaan na ito.
Lalo na’t nasa 7-10 years lang daw ang lifespan ng isang UPS unit.
Sa kaso ng CAAP, nasa 7-8 years na nilang gamit ang UPS.
“So based on that, after we saw what happened, tapos mayroong na-determine na mayroong fan problem yung isa so we decided that perhaps it’s now the time to change it already,” ayon kay Manuel Antonio Tamayo, CAAP Director General.
Ang pasaherong ito, napaiyak na lamang dahil hindi nakauwi dahil sa aberya sa NAIA.
“Nai-stress lang talaga, sana makauwi ako please. Na-miss ko yung anak ko tapos canceled pala yung flight ko,” ayon sa isang pasahero.
Isa lamang ang ginang sa libu-libong biktima ng aberya sa NAIA.
Kaya sinisingil ng mga mambabatas kung sino magbabayad sa danyos na dulot ng insidente.
Dito na natalakay ang isyu ng force majeure, pagkawala ng pananagutan dahil sa mga pangyayaring hindi kontrol ng tao.
Kaya ang hinahanap na bad danyos ng maraming pasahero, mukhang mauuwi sa thank you.
Anggulong ‘force majeure’ ang nangyaring New Year aberya sa NAIA, hinimay sa Kamara
“The matter is still under investigation, a forensic investigation by a team of experts. Inter-agency po ito at different layers at doon pa lang po makikita kung magkakaroon ng findings of negligence of bad faith. At diyan po mag-a-arise yung liability or responsibility ng gobyerno. Kasi kung wala pong makikitang negligence or bad faith or breach of duty on the part of the responsible officers, ito po ay magiging force majeure din pagdating sa gobyerno,” saad ni Exec Dir. Carmelo Arcilla, Civil Aeronautics Board.
Humingi naman ng tawad ang CAAP sa mga naapektuhan at nangakong patuloy na pag-iibayuhin ang serbisyo.
Habang si Transportation Secretary Jaime Bautista, umaasa na magkakaroon ng dagdag-pondo sa CAAP, NAIA at iba pang regional airports ng bansa.
Hindi pa natatapos dito ang kalbaryo ng DOTr at CAAP dahil haharap muli sila sa susunod na araw sa mga senador para isalang sa kaparehong mga pagdinig.
Ang tanong, may masasabi pa ba silang iba sa mga binanggit nila ngayong araw?
Ngayong Huwebes, January 12 nakatakda ang kanilang hearing.