BILANG bahagi ng aksiyon ng pamahalaan laban sa matinding trapiko sa Metro Manila ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Administrative Order (AO) No. 18.
Sa ilalim ng nasabing direktiba ay pinagbabawalan na ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan na gumamit ng siren, blinker, at iba pang signaling at flashing devices sa kanilang mga sasakyan.
Nakasaad rin sa AO na hangarin nitong isulong ang kapakanan ng publiko.
Sa naturang AO, binanggit ni Marcos na laganap ang hindi awtorisado at walang pinipiling paggamit ng mga sirena, blinker, at iba pa katulad ng signaling o flashing device, na nagdulot ng pagkagambala sa trapiko at hindi ligtas na road at traffic environments.
Samantala, exempted naman sa naturang kautusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), fire trucks, hospital ambulances at iba pang emergency vehicles.
Kasabay nito’y iniatas ng Malacañang sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensiya ng gobyerno ang pag-review, pag-regulate o pag-evaluate at pag-update sa mga umiiral na patakaran at alituntunin upang matiyak ang epektibong implementasyon ng AO 18.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang AO 18 noong Marso 25, 2024 at magkakabisa kaagad pagkatapos mailathala sa opisyal na gazette, o sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.
Total ban sa paggamit ng wangwang at blinkers ng mga gov’t personnel, hindi makatotohanan—Sen. Imee Marcos
Kaugnay rito, suportado ng ilang senador ang kautusang ito, subalit iba ang pananaw ni Sen. Imee Marcos hinggil sa direktiba na ito na inilabas ng kaniyang kapatid na si Bongbong Marcos.
Saad ng senadora, sa halip na “outright ban” o tuluyang ipagbawal ang paggamit ng sirena, blinkers at iba pang kaparehong signaling o flashing devices, ay mas maigi aniya na higpitan na lang ang regulasyon nito.
Mayroon kasi aniyang “valid uses” o makatwirang paggamit ng mga ganitong uri ng devices, kaya hindi practical ang hakbang na ipatutupad ng pamahalaan.
“Para sa akin, hindi makatotohanan ‘yung outright dahil alam naman natin na may mga okasyon na dumadaan ang presidente halimbawa mismong ang pangulo at kapag may bisita tayo na head of state rin galing sa labas, alangan naman natin na paghihintayin sa traffic, ‘wag namang ganoon,” saad ni Sen. Imee Marcos.
Ipinahayag pa ni Sen. Imee na kailangan na mas maging mahigpit ang gobyerno sa pagsupil sa mga umaabuso sa paggamit ng mga ganitong kagamitan, aniya, dapat na hulihin at papanagutin ang mga ito sa batas.
“Kaya ‘yung outright, palagay ko ay case to case kapag emergency or talagang state visit o iba pang pangangailangan. ‘Yung blanket authority naman AFP PNP, eh baka naman hindi emergency ‘yun, eh siguro naman pwede ring i-fine tune ‘yung pagkasulat,” dagdag pa ng senadora.