SA pagbabalik muli ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) ay marami na namang paghihigpit ang ipinapatupad ng mga awtoridad kabilang ang outdoor exercise.
Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar na sumusunod lang ito sa direktiba ng Metro Manila Mayors at ng MMDA.
“Ang pagbabawal sa mga outdoor activity ay desisyon ng ating mga Metro Manila mayors na kailangang ipatupad ng inyong PNP para sa kapakanan ng lahat, lalo na at marami na ang kumpirmadong kaso ng mga bata, kabilang ang mga sanggol, na nahahawa ng COVID-19,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag ng heneral na kinukonsidera na naman ang ating bansa na nasa high risk ng COVID-19 kaya nararapat lamang na agad bigyan ng karapatang solusyon ito upang sa ganun ay hindi na rin madamay ang mga kababayang OFW na aalis ng bansa.
Nagbigay na rin ng direktiba si Elezear sa mga commanding officer na palakasin ang information drive sa social media at sa pamamagitan ng Oplan Bandilo kung saan gamit ang megaphone at malalaking speakers inaanunsyo ng mga pulis sa publiko na makipagtulungan at pagbigay paalala para sundin ang mga health protocols na itinakda.
“Itinuturing na ‘high-risk’ na ulit ang ating bansa sa isyu ng COVID-19 kaya nararapat lang ang mga karampatang aksyon ng ating pamahalaan upang hindi na lumala ang sitwasyon na maaring magkaroon ng malalang epekto sa ating mga OFW na kailangang umalis upang magtrabaho, sa ekonomiya ng ating bansa at higit sa lahat ay ang kalusugan at kaligtasan ng lahat,” ani Eleazar.
Pinapakiusapan din ni Elezear ang mamamayan ng Metro Manila na iwasan na ang pag-iinit ng ulo at mga pagiging pilosopo na mga katwiran para lamang makalabas at huwag nang magpupumilit pa para hindi na tumaas pa ang kaso ng COVID-19.
“Nanawagan ang inyong PNP sa ilan nating mga kababayan na huwag nang mag-alburoto at mamilosopo pa sa patakarang ito dahil ito naman ay makatwiran sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa, lalo na sa Metro Manila,” dagdag ni Eleazar.
Ani Eleazar na kung hindi susunod sa mga panuntunang itinakda ng ay talagang matatagalan pa ang ECQ dahil sa posibleng surge, kaya pakiusap nito kaunting tiis sakripisyo lang para maiwasan na ang pagkalat pa ng virus.
“Sumunod tayo sa kautusang ito dahil para naman ito sa kaligtasan ng lahat. Kung hindi tayo susunod sa mga panuntunan ay tiyak na mas tatagal tayo sa ECQ. Kaunting sakripisyo lang ito para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19,” ayon sa PNP Chief.
Ang pagbabawal ng outdoor exercise ay epektibo hanggang Agosto 20 pero depende pa rin kung may mga pagbabagong gagawin.
BASAHIN: ECQ sa National Capital Region, posibleng palawigin —DOH