ANG Pilipinas ay madalas makaranas ng mga bagyo. Dahil dito, mahalagang tiyakin na handa ang mga tahanan para mapanatiling ligtas ang bawat pamilya.
Malapit na rin kasi ang panahon ng tag-ulan kung saan maaaring magdulot ng malawakang pagbaha na posible ring magdala ng malaking pinsala at panganib.
Kaya naman ang Office of Civil Defense (OCD) ay puspusan na rin ang ginagawang paghahanda.
Sinabi ni OCD Spokesperson Director Chris Noel Bendijo na kabilang sa kanilang preparasyon ang pagsasagawa ng command conferences.
“Bago pa man dumating itong panahong tag-ulan alam naman po natin kakaiba na rin po talaga iyong panahon ngayon ‘no, itong ating shear line, itong ating ITCZ ay nagpapabagsak ng ulan, kung kaya’t umpisa pa lang po ng taon minabuti na po ni Usec. Ariel Nepomuceno na mag-conduct ng ating mga command conferences,” wika ni Dir. Chris Noel Bendijo, Spokesperson, Office of Civil Defense.
Aniya, tiniyak ng OCD ang imbentaryo ng mga kagamitan ng kanilang mga regional office.
At para malaman ang mga pangangailangan on the ground, ay pinaigting din ng ahensiya ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan pati sa panlalawigan hanggang sa Barangay Disaster Risk Reduction Management Office.
Mayroon din aniya silang 2024 National Disaster Response Plan at nagkaroon ng updated national harmonized contingency plan.
“Maidagdag po natin ang bawat province at bawat locality at bawat LGU ay mayroon po silang personalized at customized na contingency plans ‘no,” saad ni Dir. Chris Noel Bendijo, Spokesperson, Office of Civil Defense.
Layunin nito na lalong pag-ibayuhin ang partisipasyon ng private sector pagdating sa disaster response.
Pagpapatayo ng permanent evacuation centers sa bansa, inaasahang sa susunod na taon pa maipatutupad
Samantala, inihayag ng opisyal ng OCD na nabalangkas at naaprubahan na ang implementing rules and regulations para sa Ligtas Pinoy Centers Act.
Ang susunod na hakbang ay magsusumite ang mga lokal na pamahalaan ng mga lokasyon kung saan maaaring maitayo ang mga evacuation center na ito.
“So, diyan po papasok kung mayroon pong bulkan sa inyong lugar, diyan po papasok kung kayo po ay madalas tamaan ng bagyo at siyempre po ‘no, iyong mga landslide-prone areas, ito po ay lahat ng mga kondisyones na titingnan po natin upang magkaroon po tayo ng priority list sa mga lugar na pagtatayuan ng mga Ligtas Pinoy Centers,” dagdag ni Bendijo.
Dagdag ni Bendijo, susuriin rin ang mga tutukuying lokasyon gamit ang mga teknolohiya ng science-based agencies gaya ng Department of Science and Technology (DOST), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), at Department of Environment (DENR) Resources Mines and Geosciences Bureau. Ito’y lalo’t magkakaiba ang risk assessment ng bawat lugar.
Gayunpaman, aminado ang OCD na inaasahang magiging matagal ang proseso ng implementasyon ng programa. Posible aniyang sa susunod na taon pa maipatutupad ang nasabing programa at maisama sa 2026 national budget.
“So, as an interim measure, sinisigurado po natin iyong mga current na evacuation centers natin kung mayroong kailangan i-repair, kung mayroon kailangan i-retrofit ito po ay ina-address kaagad natin. Ganoon pa man, baka next year at next, next year implementation na po tayo ng ating Ligtas Pinoy Centers Act,” aniya pa.