HUWAG ipagwalang bahala. Ito ang mariing paalala ng Office of Civil Defense (OCD) kasunod ng nararanasang epekto dulot ng shear line sa bansa.
Ayon kay OCD Administrator, Usec. Ariel Nepomuceno, dapat makinig ang lahat sa mga babala buhat sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng PAGASA, Mines and Geosciences Bureau, at NDRRMC-OCD.
Iginiit din ni Nepomuceno na nakasalalay sa pakikiisa ng publiko gayundin ang pagiging laging alerto ang kaligtasan nito.
Matatandaang, malaking dagok ang shear line sa Kabikulan nito lamang nakaraang mga araw nang bumaha ang ilang bahagi ng rehiyon.
Masakit para sa Bicol Region dahil hindi pa sila tuluyang nakakabangon mula sa hagupit ng Bagyong Kristine at Pepito.
Ang shear line ay bunga ng pagsasalubong ng malamig na hangin mula sa hilagang silangan, kilala bilang Northeast Monsoon o Amihan, at ng Easterlies, ang mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko.
Nabubuo ang maraming ulap dahil dito, na siyang nagdudulot ng malakas na pag-ulan gayundin ng thunderstorms na nagreresulta naman sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa.