Mga pagkaantala, nakakadagdag sa gastos sa New Senate Building

Mga pagkaantala, nakakadagdag sa gastos sa New Senate Building

INAMIN ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naantala ang pagpapatayo ng New Senate Building (NSB) dahil sa mga pagbabago na nagresulta sa pagtaas ng kabuuang gastos sa proyekto.

Lumabas ang impormasyong ito sa pagdinig tungkol sa NSB ng Senate Committee on Accounts na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano.

Kasalukuyang sinusuri ng komite ang P23 bilyong halaga ng estimated cost ng proyekto. Ayon sa senador, may mga naantala na sa pagpapatayo ng NSB bago pa man ang reorganisasyon sa Senado nitong Mayo.

“Kasi may mga nagpapalabas na dine-delay namin ito ni Senator Escudero,” aniya.

Bukod dito, sinabi rin ni Cayetano na 852 araw ng naantala ang proyekto.

Ipinaliwanag ni DPWH Project Director Soledad Florencio na ang Extension of Time (EoT) o delay ay dahil sa mga variation order at patuloy na mga pagbabago sa proyekto kaya hindi masabi ng ahensya kung kailan ito matatapos.

Nagresulta ito sa mahigit P78 milyong halaga ng mga singil sa EoT, sa loob ng tinatayang P800 milyong halaga para sa buong variation order ng proyekto.

Kwinestyon din ni Cayetano ang karagdagang design fees na nagkakahalaga ng P173 milyon na bukod pa sa P258 milyon na orihinal na design fee ng proyekto.

Binigyang-diin ng senador na maaaring maiwasan ang mga delay at karagdagang gastos kung nakipag-ugnayan sana ang DPWH sa Senate Coordinating Team (SCT) bago tapusin ang Detailed Architectural and Engineering Design (DAED) ng proyekto.

“Hindi niyo kinausap ang Senado before DAED, that’s why nagkaroon EoT. Kinausap niyo Senado after DAED that’s why nag ka-VO at kaya may EoT [cost] ka na napakalalaki,” pahayag ni Cayetano.

“On hindsight, avoidable ito . Pwedeng walang RDAED [revised DAED] kung nag usap,” dagdag niya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble