SA araw ng Martes ay ilalabas na ng Korte Suprema ang mga pangalan ng mga nakapasa mula sa 10,700 na kumuha ng Bar Examinations noong Setyembre.
Ayon sa SC, ilalabas ang mga pangalan ng mga Bar passer pagkatapos ng kanilang en banc session at decoding ng mga resulta bukas.
Maaaring abangan ang resulta ng 2023 Bar sa SC Courtyard o di kaya’y abangan ang live stream ng SC sa YouTube at Facebook bukas.
Ipapaskil din ang mga pangalan ng mga pumasa sa official website ng SC.
Oathtaking ng mga Bar passer, gagawin sa Dec. 22 sa Pasay City
Samantala, agad magsisimula sa Miyerkules, Disyembre 6 ang pag-aasikaso ng clearance para sa mga papasa sa Bar Exam na tatagal hanggang Disyembre 15.
Ipinaalala ng SC na tanging mga successful Bar Examinees na naka-comply o maagang nakasunod sa panuntunan ng application requirements ang papayagang makapag-proseso ng clearance para sa oathtaking ceremony.
Maaari umanong tingnan sa website ng Bar Applicant Registration Information System and Tech Assistance (BARISTA) ang status kung ‘complied’ na para maasikaso ang clearance.
Kailangan din magbayad ng P5,000 na Bar Admission Fee, P100 na Certification Fee, at P90 na Documentary Stamp Tax.
Ipadadala sa BARISTA accounts at email ng mga successful BAR examinees ang official invitation para sa oathtaking ceremony na gaganapin sa Disyembre 22 sa SMX Convention Center sa Pasay, alas-11:30 ng umaga.
Paalala rin na dapat ay naka-proper court attire ang mga manunumpang Bar examinees, at dapat naka-proper business attire ang mga kasamang guest.