Mga PDL pinag-iingat vs. init; Pagsusuot ng sando kinakailangan—BuCor

Mga PDL pinag-iingat vs. init; Pagsusuot ng sando kinakailangan—BuCor

NASA halos 25,000 Persons Deprived of Liberty (PDL) ang patuloy na mino-monitor ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.

Ipinag-utos ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang mabilisang pagbili ng mga puting sando para sa mga PDL upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init, lalo na sa mga buwan ng tag-init kung kailan inaasahang tataas ang heat index.

Ayon kay Chief of the Correctional Services Unit/Chief Superintendent Ma. Cecilia Villanueva, OIC-Deputy Director General for Reformation at Acting Director for Health and Welfare Services (DHWS) ng BuCor, mas komportable at malamig sa pakiramdam ang puting sando kumpara sa karaniwang kulay orange na uniporme ng mga PDL.

“Orange kasi iyon, alam naman natin ang mga kulay, nakaka-absorb din ng init kaya parang mas maganda ang ibigay muna nating sa kanila ay puting sando. Kahit sabihin natin na marami nang nabawas, medyo lumuwag sila, mainit lang talaga ang panahon. Mas maganda na komportable ang masusuot nila,” saad ni CT/CSupt. Ma. Cecilia Villanueva, Acting Director, Directorate for Health and Welfare Services, Bureau of Corrections.

Bukod sa mga sando, tiniyak din ng BuCor ang sapat at tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa lahat ng kanilang mga pasilidad. Nag-utos din ang BuCor Chief ng paglalagay ng industrial fans upang maibsan ang init sa mga kulungan.

Inatasan ni Dr. Villanueva ang lahat ng Chiefs of Health Service sa buong BuCor na maging mapagmatyag sa kalusugan ng mga bilanggo at mag-ulat sa DHWS office sa loob ng 24 oras. Iniutos din niya ang pang-araw-araw na pagligo at pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng mga kulungan.

“Binibigyan din naman kasi sila ng mga hygiene kits na may kasamang t-shirts nila, sabon, toothpaste para mapanatiling malinis. Mayroon din silang sapat na tubig para mapanatiling malinis ang katawan at kapaligiran nila,” ani Villanueva.

Sa isang memorandum noong Marso 3, binigyan din ni Dr. Villanueva ng babala ang mga PDL tungkol sa mga karaniwang sakit sa tag-init tulad ng sunstroke, trangkaso, sakit sa tiyan, pagsusuka, pagtatae, sakit sa balat, rabies, at conjunctivitis. Ipinagtibay rin niya ang mga payo ng Department of Health (DOH) para sa pag-iwas sa mga sakit na ito.

Sa ngayon, wala pang naiulat na may nararanasang heat stroke sa Bilibid habang patuloy na tumitindi ang init ng panahon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble