Mga sasakyan ng gobyerno, nahuli sa panibagong operasyon ng MMDA sa EDSA busway

Mga sasakyan ng gobyerno, nahuli sa panibagong operasyon ng MMDA sa EDSA busway

MULING nagsagawa ng operasyon ang Special Operations Group-Strike Force ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga pasaway na motorista na dumadaan sa EDSA bus lane partikular na sentro ng operasyon ay sa bahagi ng EDSA Corinthians.

Karamihan sa mga nahuli ng MMDA na mga hindi awtorisadong dumaan sa EDSA bus ay mga government vehicle o mga sasakyan ng ilang government official.

Sapul ang isang puting SUV na may plakang 7 na special plate para sa mga senador.

Sumunod naman ang black din na SUV na sasakyan din ng isang kongresista na gumamit pa ng blinker habang nasa loob ng EDSA bus lane.

Bukod riyan, nahuli rin ang ilang sasakyan mula sa Department of National Defense (DND), Philippine Marine Corps (PMC), isang pulis na naka-motorsiklo at isang pribadong bus na hindi kasama sa EDSA Bus Carousel Consortium.

Bagama’t hindi pinangalanan ng MMDA ang mga may-ari ng sasakyan, nanindigan si Go na wala silang sasantuhin lalo’t lumabag sa batas-trapiko.

“There reasons are not enough or it’s not enough or even in legal basis na mag-violate po tayo sa ipinagbabawal na bus carousel. Totoo ang pagpapatupad natin ng batas na wala tayong pinipili, kahit mapa-gobyerno, mapa-personalidad man sa ating society we will implement fair and square po,” ayon kay Gabriel Go, OIC, Special Operations Group-Strike Force, MMDA.

Bukod sa mga nabanggit, natiketan din ang isang professional basketball player.

Bumaba ito upang makipag-aregalo sana sa MMDA dahil sa pagdaan nito sa EDSA bus lane.

“Sabi ko nga, you are trying to contest your violation but you are captured on videos. So, there’s no point on contesting it kasi you really violated,” dagdag ni Go.

Sinubukan naman ng SMNI News Team na makuha ang kaniyang panig pero bigo itong magbigay.

Sa kabila nito, nilinaw ni Gabriel Go, OIC ng Special Operations Group-Strike Force ng MMDA na bukod sa mga sasakyan ng gobyerno ay mas marami pa rin sa kanilang mga nahuhuli ay motorsiklo.

Isa sa mga nahuli ay si John Austria na bukod sa paglabag sa EDSA busway policy ay wala rin itong lisensiya.

“Gusto ko po kasi i-drive ‘yung motor ko eh, na-excite ako,” paliwanag ni John Austria, Natiketan ng MMDA.

Agad na dadalhin sa impounding center ng MMDA ang motor ni John dahil sa paglabag nito sa batas-trapiko.

Nagpaalala naman ang MMDA sa mga motorista na respetuhin ang batas-trapiko, hindi rin nagkulang ang ahensiya sa pagpapaalala sa sino lamang awtorisadong dumaan dito.

Pagmumultahin ang sinumang mahuhuling motorista ng P5,000 para sa 1st offense.

“Once you go to the second violation ay aabot na ito ng P15,000 then sumunod malaking violation na po hanggang sa 4th offense na aabot sa P30,000 at suspension ng driver’s license,” ani Go.

Gayunpaman, iniulat ng MMDA ngayong 2024 ay bumaba ang bilang ng mga nahuhuli kada araw.

Mula sa higit 100 violators araw-araw, ngayon ay umaabot na lamang ito sa higit 10 motorista.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble