Mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes at Aurora Blvd, hinatak at tiniketan ng MMDA

Mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes at Aurora Blvd, hinatak at tiniketan ng MMDA

HINATAK at tiniketan ng MMDA ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes at Aurora Boulevard sa Quezon City.

Kabilang na riyan ang sasakyan ng isang Chinese national na nakaharang sa bangketa.

“Hindi kami papayag na ganiyan ginagawa sa amin palagi. Lagi kaming pinagtitripan. Kung sino naman silang nga animal sila. Put*ng in* nila!”

Napamura na lang ito matapos kinumpiska ng MMDA Special Operations Group-Strike Force nitong Martes ng umaga ang sidecar na ginagamit nila ng kaniyang asawa sa pagnenegosyo.

Ilegal kasi itong nakaparada sa isang kalsada sa Quezon City kaya hinatak ito ng MMDA.

“(Di ba sabi niyo po na may lisensiya kayo?) Mayroon! (Bilang lisensiyado alam niyo na kalsada hindi dapat pinaparkingan.) Hindi naman sinabing ganoon,” aniya pa.

Ang ikinagalit pa ng ale ay bakit palagi aniya sila ang puntirya sa clearing operations ng ahensiya.

“Lagi sa Morato. May tindahan kami roon. Lagi pinagtitripan ng MMDA. Ilang beses na kami pinagtubos. Ilang beses na iyan,” dagdag nito.

“Ang goal natin dito is to have consistency. Hindi naman natin binibiktima ang ating mga kababayan as long as nasa tama po tayo,” wika ni Gabriel Go, Officer-in-Charge, MMDA Special Operations Group-Strike Force.

Hinatak din ang tatlong sasakyan na nakaharang sa bangketa na para sana sa pedestrian sa may Aurora Boulevard.

Ang mga sasakyan halos lalagpas na sa nasabing kalsada.

Ang sasakyan naman na pagmamay-ari ng isang Chinese national, sapul din sa clearing operation ng MMDA.

Tumangging humarap sa camera at magpa-interview ang Chinese pero aniya limang taon na siya sa Pilipinas pero hindi niya alam na bawal ang ginawa niyang pagparada sa sidewalk.

Hindi rin pinalagpas ng MMDA ang kagamitan ng isang vulcanizing shop na nakaharang sa bangketa at ang trapal sa tindahan na ito.

“We have to ensure na ang mga Mabuhay Lanes, ang mga alternate routes po natin and lalo na po mga major thoroughfares should be clear from any obstruction not only sa mga kalsada but also sa mga sidewalk,” ani Go.

Binigyang-diin ng MMDA ang kahalagahan ng isinasagawa nilang clearing operation lalo na ngayong madalas ang pag-ulan.

“Well, napakacrucial po niyan. Dahil unang-una ‘pag marami pong obstruction, nagkakaroon tayo ng traffic congestion. At kung sakali, tulad po niyan, panahon na ng bagyo, tag-ulan, mas madadagdagan po ang traffic dahil alam natin kapag tag-ulan napaka-traffic. And what more kung may obstruction. So iyan po ang ating mga ginagawa na makatulong tayo na makabawas sa congestion,” saad ni Go.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble