UMINIT ang sagutan sa pagitan ng Senado at Kamara matapos sabihin ng House spokesperson na si Princess Abante na ang Senado umano ang pumatay sa P200 wage hike bill. Pero ayon sa mga senador, hindi lang ito kasinungalingan kundi isang tahasang pagbaluktot sa katotohanan.
“Aral muna bago putak,” ‘yan ang matapang na sagot ni Sen. Joel Villanueva, matapos akusahan ng Kamara ang Senado ng pagtanggi sa kompromiso.
“The House of Representatives has clearly set the stage to ensure the wage hike bill’s failure. They never had any intention of passing this measure in the first place,” wika ni Sen. Joel Villanueva.
Aniya, matagal nang naipasa ng Senado ang panukalang P100 dagdag-sahod noong Pebrero 2024 pa, samantalang nitong Hunyo 4, 2025 lang ipinasa ng Kamara ang kanilang bersiyong P200. Isang linggo bago magsara ang Kongreso.
“Pinasa namin itong wage hike na ₱100 February 2024. Mahigit isang taon nilang inupuan ito. Tapos ngayon sila ang galit at nagmamadali?” aniya.
Hindi rin nagpahuli si Senate President Chiz Escudero dahil tinawag niyang “classic case of passing the buck” ang ginawang pagturo ng sisi ng Kamara.
“Kung gusto talaga nilang ipasa, bakit sa huling araw pa nila pinilit? Gaya ng dati, huli na naman—parang ‘yung impeachment, last minute na lang din nila sinampa,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Giit pa ni Escudero, kung talagang seryoso ang Kamara na aprubahan ang panukala, sapat na ang simpleng mosyon sa plenaryo para tanggapin ang bersiyon ng Senado.
Para naman kay dating Senate President Migz Zubiri, malinaw ang layunin ng Senado at ito ay ang makapagpasa ng mga panukalang makatarungan at praktikal para sa mga manggagawa. Pero tila, hindi iyon ang layunin ng Kamara.
“I am disheartened that they don’t want to negotiate with us. Obviously, if we adopt the ₱200 minimum wage bill, mabi-veto ni Presidente ‘yan… and if that will be vetoed, you torpedo the measure and it looks bad on everyone,” giit ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Mas lalong nainis ang mga senador nang biglang umatras ang House panel matapos sabihing ayos sa kanila ang Senate version— pero sa gabi ng huling araw ng sesyon lang sila nagpadala ng sulat ng pagtanggi.
Kinuwestiyon din ni Escudero ang kakulangan nila sa datos para patunayan na kayang isakatuparan ang P200 wage hike.
Sa gitna ng palitan ng maaanghang na salita, malinaw ang sentimyento ng Senado na hindi sila ang pumatay sa Wage Hike Bill.