POSIBLE na hindi na itutuloy ng Senado ang pagsusulong ng Economic Charter Change (Cha-Cha) matapos mawalan ng interes dito ang ilang senador.
“It’s obviously the main reason why a lot of senators are not interested anymore in pushing for the joint resolution,” ayon kay Sen. Joel Villanueva, Majority Floor Leader.
Enero 15 nang isumite ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Resolution of Both Houses (RBH) Number 6 – ang compromise agreement sa pagitan ng Senado at Kamara para amyendahan ang ilang economic provisions sa 1987 Constitution.
Pero matapos ang isang linggo ay tila ito ay mababasura.
Ayon kay Majority Floor Leader Joel Villanueva, dismayado ang karamihan sa mga senador sa direksiyon ng Kamara.
Nawalan ng interes ang mga senador aniya sa RBH No.6 o Economic Cha-Cha dahil nagpapatuloy pa rin ang kontrobersiyal na bilihan ng boto sa ginagawang People’s Initiative (PI) na pinapaniwalaang may kumpas mula kay House Speaker Martin Romualdez.
“Ngunit ‘yun pong lunukin mo ‘yung idea na babayaran mo ang isang Pilipino na pumirma siya sa hindi niya naiintindihan? Para mapalawig ang iyong termino? Para walang election? ‘Di ba napakasakit po nun? Kaya ngayon pa lang po sa mga akala kong kaibigan ko ay sulian na po tayo ng kandila,” dagdag ni Villanueva.
Zubiri, pormal na inanunsiyo ang pagtutol ng Senado sa PI ng Kamara
Sa parehong araw ay pormal naman na inanunsiyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagtutol ng Senado sa nagpapatuloy na PI.
Sa sesyon araw ng Lunes ay binasa ni Zubiri sa isang manifesto na ang Senado ay patuloy na magiging balwarte ng demokrasya at ‘di ito papayag na malapastangan ang ating Konstitusyon.
Ang nasabing manifesto ay pirmado ng 24 na mga senador.
“Today the Senate once again stand as a bastion of democracy as it rejects attempt to violate the Constitution, the country, and our people. These, the Senate, and the people will not allow to be silenced,” ayon kay Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ayon naman kay Sen. JV Ejercito, ikinababahala ng mga senador na magkakaroon ng constitutional crisis sa pagitan ng dalawang Kapulungan kung magpapatuloy ang PI.
Kung magpapatuloy aniya ang PI ng Kamara na mariing tinututulan ng Senado ay posibleng walang maipasang batas.
Matatandaan na batay sa isang kasunduan ay pumayag lamang ang Senado na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon kung ititigil na ng Kamara ang PI.
“If both Houses do not agree. We have a constitutional crisis. Magkakaroon tayo dito ng deadlock. Baka walang mapasa na bills. It will definitely affect he process of lawmaking,” ayon kay Sen. JV Ejercito.
Inilahad ni Villanueva na libu-libo ang kaniyang natanggap na reklamo mula nang kaniyang hinikayat na isumbong sa kaniyang tanggapan ang mga pambubudol dala ng PI.
Ayon pa sa kaniya 90 porsiyento ng mga sumbong ay itinuturo ang mga staff ng mga mambabatas sa Kamara.
“Dun naman po sa bayan ng Hagonoy, ganun din po sa Bulacan. Sinabi sa kanila ay para sa ayuda na mabibigyan ng aming kongresista doon dahil ang staff ng kongresista doon ang nagpapirma,” ani Villanueva.
Kaugnay rito ay hinikayat ni Villanueva si Romualdez na magsalita laban sa PI upang igalang ng mga kongresista ang kasunduan sa pagsusulong ng Economic Cha-Cha.