Mga senaryo sa posibleng pagtama ng malakas na lindol, ipinakita sa earthquake drill

Mga senaryo sa posibleng pagtama ng malakas na lindol, ipinakita sa earthquake drill

SENTRO sa ikalawang nationwide simultaneous earthquake drill ang kahalagahan ng pagiging handa ng pamahalaan sa posibleng pagtama ng isang malakas na lindol sa bansa.

Pagpatak ng alas nuebe ng umaga, sabay-sabay na pinindot ng mga kinatawan ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan ang ceremonial button o malakas na alarma, hudyat ng pagsisimula ng ikalawang kwarter ng nationwide simultaneous earthquake drill sa Greenfield District, Mandaluyong City na pilot area ng earthquake drill.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), layon ng aktibidad na masubukan ang emergency plan ng mga paaralan, tanggapan at ahensiya ng gobyerno sa kanilang kahandaan sakaling tumama ang malakas na lindol.

Sabay-sabay na nag-‘duck, cover and hold’ ang lahat ng mga kalahok, kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan, mga bisita, habang nagsilabasan din sa kani-kanilang mga opisina ang ilang empleyado dahil sa nasabing alarma.

Mga sugatan, may mga duguan din, may mga na-trauma habang ang iba ay hindi makapagsalita dahil sa takot at pagkabigla kasunod ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila.

Pero ang lahat ng mga ito ay pawang simulation lamang.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng mas malala pa rito ang mangyayari kung tatama ang isang malakas na linod sa bansa.

Kaya payo ng pamahalaan, mainam ang may kasanayan at paghahanda para maiwasan ang ganitong sitwasyon.

Sa panayam ng media kay Interior Secretary Benhur Abalos, masaya siya sa resulta ng aktibidad dahil sa patuloy na nadadagdagan ng kaalaman ang publiko sa bawat paghahanda ng mga ito tuwing may mga darating na sakuna sa bansa.

Mungkahi pa ng kalihim, ibaba ito sa barangay level para higit na maunawaan ng lahat paano makaiiwas sa mga pagkasira ng mga ari-arian at pagkawala ng maraming buhay.

Mula rito nanawagan ang pamahalaan sa lahat na huwag balewalain ang ganitong uri ng mga pagsasanay at programa dahil wala naman aniyang katiyakan kung kailan tatama ang isang kalamidad o sakuna, ang mahalaga aniya ay handa ang lahat at alam ang gagawin sakaling mangyari ito sa bansa.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang lahat mula sa nasabing drill at iginiit nila na handa ang pamahalaan sa kagamitan at tauhan pero mas mainam kung handa rin ang bawat publiko para mailigtas ang sarili sa kahalintulad na sakuna.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter