SA bawat araw na lumilipas, may mga solo parent na kailangang gumanap ng papel ng ina at ama—gumigising ng maaga para maghanda ng almusal, nagtatrabaho nang buong araw, at sa gabi’y muling haharap sa mga responsibilidad sa tahanan.
Habang tahimik silang nakikipaglaban sa mga pagsubok ng buhay, isang mahalagang panawagan ang inilalabas ng National Council for Solo Parents (NCSP): hindi dapat sila mag-isa sa laban.
Sa inilabas na pahayag ng NCSP, dalawang pangunahing suliranin ang patuloy na bumabalot sa buhay ng mga solo parent sa Pilipinas—at ang mga ito ay hindi basta-bastang hamon.
Ayon kay NCSP Secretary General Red de Guzman, ang una sa mga hamon ay ang aspeto ng pananalapi. Lahat ng pamilya, anuman ang katayuan, ay may pinansyal na pangangailangan—ngunit para sa mga solo parent, mas mabigat ito. Aniya, mas kumplikado ang kanilang kalagayan dahil sa kakulangan ng katuwang, habang tuloy-tuloy ang gastusin at obligasyon.
“It’s very unique eh. Sa ating solo parent families kasi nandiyan pumapasok iyong relationship kasi between the parent and the child. And ang isa sa pinakamalaking hamon sa ating solo parent is how to cope with the responsibility na iyong dalawang magulang sa isang katawan, parang ganoon ano. And still, you have to take care iyong needs ng mga anak mo while,” saad ni Red de Guzman, Secretary General, National Council for Solo Parents.
Inilahad pa ni De Guzman ang isang malupit na katotohanan—na sa sobrang pagtutok ng maraming solo parent sa bawat pangangailangan ng kanilang mga anak, nakakalimutan na nilang tignan ang sarili sa salamin.
Sa ganitong sitwasyon, ani De Guzman, ito ay nagreresulta sa pagbagsak ng kanilang konsepto ng “self-care” o pag-aalaga sa sarili, na may kasamang epekto sa kanilang self-worth o pagpapahalaga sa sarili.
“Well, ito iyong sad reality ‘no, marami sa solo parents, dahil they focus on the needs of the children, they now forget iyong pansarili nila, iyong concept ng self-care and self … iyong masyadong bumababa kasi iyong self-worth minsan ng isang solo parent,” ani De Guzman
Hindi madali ang buhay ng isang solo parent. Kahit gaano sila kasipag o katapang, may mga laban na hindi nila kayang harapin mag-isa. Sa bawat gabing pinagkakasya ang baon, gatas, at gamot sa maliit na kita, naroon ang tahimik na panalangin na kayanin sana nila ang bawat pagsubok ng buhay.
Dahil dito, ngayong ginugunita ang National Solo Parents Week mula Abril 21 hanggang 26, pinalakas ng gobyerno ang suporta para sa kanila.
Sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama ang Inter-Agency Coordinating and Monitoring Committee, layon nilang maramdaman ng mga solo parent na hindi sila nag-iisa.
Isasagawa ang one-stop-shop caravan sa Abril 26 sa Mandaluyong College of Science and Technology, kung saan puwedeng magparehistro ang mga solo parent at makuha ang iba’t ibang serbisyo mula sa gobyerno, kabilang na ang pag-aapply o pagre-renew ng Solo Parent ID.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, layon ng caravan na gawing madali ang proseso para makuha ang mga benepisyo ng Expanded Solo Parents Welfare Act.
Kabilang dito ang 10% diskwento at VAT exemption sa mga bilihin tulad ng gatas, pagkain, diaper, gamot, at iba pa, pati na rin ang buwanang ₱1,000 cash aid mula sa LGU.
Makikinabang din ang mga solo parent sa priyoridad sa pabahay, automatic PhilHealth coverage, at access sa scholarship at training mula sa mga ahensiya tulad ng DepEd, CHED, at TESDA, basta’t hindi hihigit sa P250,000 ang kanilang taunang kita.