NAGBIGAY ng kanyang panig ang senatorial candidate na si Robin Padilla sa isyu ng claim ng bansa sa Isla ng Sabah.
Kung matatandaan, isa sa mga naging paksa sa nagdaang SMNI Senatorial Debate kung dapat pa bang ipursige ng Pilipinas ang claim nito sa isla na ngayon ay sakop ng Malaysia.
Ayon kay Sulu Gov. Abdusakur Tan, nasa 300,000 undocumented Filipinos ang naninirahan ngayon sa Sabah.
Ngunit ayon kay senatorial candidate Robin Padilla na bahagi ng Muslim community, dapat ring makonsulta ang panig ng mga taga-Sabah sa isyu.
“Ah hindi nating pwedeng ipilit yan sa ngayon sapagkat may mga tao na ‘dun eh. Kung meron tayong dapat unang tanungin eh yung taga dun? Kung gusto pa ba nilang mapasama pa sa Pilipinas ano?”pahayag ni Padilla.
Diin ni Padilla, dapat munang ipatupad ang federal form of government sa Pilipinas bago isulong ang claim sa Sabah.
“Kapag tayo’y federal na eh pwede na nating ilaban yun. Sa ngayon kasi ano ba ang makakuha sa’tin ng tiga North Borneo eh tayo nga dito sa Luzon, Visayas at Mindanao magugulo pa tayo eh,” ani Padilla.
Para kay Padilla, pag-aari ng Pilipinas ang Sabah ngunit malabo itong agawin muli sa Malaysia.
“Ano ba ang pwede dating i-offer sa mga taga doon kung ipipilit ba natin,” ayon pa sa senatorial candidate.
Batid naman ng kandidato na hindi basta-basta bibitawan ng Malaysian government ang territorial claim sa Sabah dahil hitik ito sa gas supply.
Nauna nang natalakay ng mga dumalo sa SMNI Senatorial Debate na pinaupahan lamang ang Sabah.
Noong 1878, nagkaroon ng land lease agreement ang Sultanate of Sulu sa British North Borneo Chartered Co.
Ang Sultanate of Sulu ang may hawak noon sa Muslim islands sa southern Philippines kabilang na ang Sabah at ilang bahagi ng Borneo.