BABABA na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong araw kung saan papalitan siya ni President-elect Bongbong Marcos.
Asahan na dadaan muna ng Malakanyang si Pres-elect BBM bago siya tutungo sa National Museum upang manumpa bilang ika-17 Presidente ng Pilipinas.
Hunyo 30 taong 2016 naluklok sa posisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos ang 6 na taong panunungkulan ay bababa na siya sa pwesto ngayong araw.
Sa makasaysayang araw na ito, bago tutungo sa National Museum, ang napiling venue para sa panunumpa ni BBM, ay dadaan muna siya sa Malakanyang ngayong umaga.
Bilang bahagi ng tradisyon, ang incoming President ay magko-courtesy call muna sa outgoing na Pangulo.
Inaasahan na pipirma muna si BBM sa guestbook ng Malakanyang bilang huling bisita ni Pangulong Duterte at sila ay magkakaroon ng maiksing pag-uusap.
Kung susundin ang tradisyon ay sabay naman na bababa sa main staircase ng Malakanyang ang outgoing at incoming president.
Bilang pamamaalam ay haharap naman ang outgoing President sa tropa ng militar kung saan siya ay bibigyan ng Military Honor sa huling pagkakataon.
Pagkatapos nito ay inaasahan na tutungo ang dalawa sa National Museum para sa inagurasyon ng magiging bagong Pangulo.
Babalik naman ang bagong Pangulo sa Malakanyang.
Matapos ang ilang photo ops ay aakyat na sa main staircase si BBM bilang simbolo sa kanyang pag–akyat sa puwesto bilang pinakamataas na lider ng bansa.
Sa parehong araw ay inaasahan na isasagawa ang unang cabinet meeting ng Pangulo, pero ito ay bago sila makapanumpa sa kanilang tungkulin sa harap ng presidente.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang ibang hangad kundi maging matagumpay si BBM sa kanyang bagong tungkulin.
Una namang siniguro ng President–elect na kanyang ipagpapatuloy ang mga magagandang programa ng administrayong Duterte.
Ang mga nabanggit ay tradisyon lamang kung kaya’t abangan natin mamaya kung magkakaroon pa ba ito ng pagbabago.
BASAHIN: President-elect BBM, manunumpa na bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas