IPINAG-utos ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga airline company sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminals na tiyaking walang pasaherong maabala kahit natapos na ang holiday season.
Kinumpirma ni MIAA General Manager Cesar Chiong na nakipagpulong ito sa 30 mga kinatawan ng airline company na nag-ooperate sa apat na terminal ng NAIA upang tiyakin na kahit tapos na ang holiday season ay mabibigyan pa rin ng kaginhawaan ang mga pasahero sa pamamagitan ng pagbubukas ng check-in counters sa tamang oras at posibleng mas maaga pa, para ma-accommodate ang mga pasaherong maagang dumating sa paliparan.
Ayon kay Chiong, karaniwang sa advisories na inilalabas ng mga airline, ang mga pasahero ay maaring pumunta sa paliparan, 3 oras bago ang kanilang nakatakdang oras ng boarding kung sila ay may international flight habang 2 oras para sa mga domestic traveller.
Ipinunto rin ni MIAA Chief na ang mga ganitong advisory ay magiging walang silbi kung ang mga pasaherong pumupunta nang maaga sa paliparan ay hindi pa ma-accommodate dahil sarado pa ang check-in counter.
Marami rin aniyang mga pasahero na maagang pumupunta sa NAIA Terminals ng higit pa sa inilalabas na advisory ng airlines.
Ito’y dahil sa matinding sikip ng daloy ng trapiko patungong paliparan.
Marami rin mga pasahero ang galing pa sa malalayong probinsya.
Nabatid na ang mga airlines ay nagbabayad ng murang halaga sa bawat counters sa NAIA Terminals upang mapagsilbihan at makararanas ng kaginhawaan ang mga pasahero sa paliparan.
Libu-libo, aniya, ang inaasahang pasaherong magbibiyahe o aalis kapag natapos na ang bakasyon at dahil dito, kailangang tiyakin na ang mga proseso ay hindi lamang episyente kundi mabilis din.
As of December 28, 2022 ayon sa MIAA umabot na sa 3.2M ang volume ng mga pasaherong dumarating sa NAIA.