PINAGSABIHAN ni dating AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang mga bashers ni Justice Secretary Boying Remulla.
Ito’y matapos umugong sa social media ang panawagan kay Remulla na mag-resign sa pwesto matapos mahuli ang 38-anyos na anak nito na si Juanito Jose Diaz Remulla III, sa isang drug operation.
Para kay Defensor, mali na pagbintangan si Remulla na ginagamit ang impluwensya para pagtakpan ang kaso ng kanyang anak.
“Ngayon, pagdating sa sinasabing impluwensiya ng pamilya, hindi ba nahuli nga? Nasaan ang impluwensiya roon?” saad ni Defensor.
Bilang ama, giit din ng dating mambabatas na hindi makokontrol ang galaw ng isang anak na nasa tamang edad na kaya walang kasalanan si Remulla at lalong hindi ito dapat idawit sa kasalanan.
“Thirty-eight years old na ang anak niya at hindi natin kontrolado lahat ang nangyayari sa ating pamilya at hindi naman tama na ang kasalanan ng isang nasa edad na at alam na ang tama at mali ay kasalanan mo na rin,” ani Defensor.
Matatandaan na sina Remulla at Defensor ay malapit na magkaalyado at magkasama sa Kamara nitong 18th Congress nang paimbestigahan sa Mababang Kapulungan ang franchise issue ng ABS-CBN.
Nangako naman ng suporta si Defensor kay Remulla sa hamong kinakaharap ng kalihim.