MAYROONG walong Department of Education Supervising Officer (DESO) technical support ang Legarda Elementary School sa lungsod ng Maynila, na umaasiste sa 35 clustered precincts.
Ayon kay John Earvin Lindain, ang DESO ng Legarda Elementary School, sapat aniya ang nasabing bilang kung saan kada may problema ay agad na na-respondehan. At hindi tumagal ng limang minuto ay naroon na raw agad ang DESO tech nila.
Iniulat ni Lindain na nakapagtala sila ng minor problems pero agad naman ding natugunan. Ayon kay Lindain, ang mga problema ay karaniwang nauugnay sa mga machine, tulad ng paper jams, na hindi naman maiiwasan.
Gayunpaman, sa tulong ng COMELEC at DESO technical support, mabilis silang nakapagresponde at natugunan ang mga isyu.
Isa pang isyu ay ang pagkakakilanlan ng ilang botante, ngunit agad itong naresolba. Ayon kay Lindain, may mga pagkakataon na malabo ang larawan ng ilang botante sa kanilang listahan ng EDCVL, kaya’t hinihingi nila ang ID ng mga botante para sa karagdagang verification.
Samantala, maraming mga personalidad ang bumoto sa Legarda Elementary School, kabilang na ang mga tumatakbong alkalde ng Maynila na sina Honey Lacuna at Sam Versoza, pati na rin ang ilang councilor candidates. Ang Legarda Elementary School ay may kabuuang 23,000 registered voters mula sa 35 barangay.
Kasama sa ilang first-time voters, ang kanilang kasiyahan na makibahagi sa eleksiyon at ang kanilang mga panawagan sa mga mananalo.
Anila, mahalaga ang kanilang boto upang makatulong sa pagbabago ng bansa.
“Masaya po kasi parang dahil dito mabibigyan ng pagkakataon na mabago ang Pilipinas gamit po sa pagboto po namin,” ayon kay Carlo, first-time voter.
“Kasi po dati sumama-sama lang sa loob. So ngayon makaboto na rin,” ayon kay Prince, first-time voter.
“Basta gawin nila ang trabaho nila, masaya na ako doon,” wika ni Saul Castillo.
“Ang ini-expect ko sa mga mananalo sa halalan sana malabanan ang korapsyon sa Pilipinas at maayos ang economy ng bansa natin,” ani Jerwin.
Sa pagtatapos ng halalan at pagsasara ng botohan kaninang alas-siete ng gabi, tiwala ang DepEd Supervising Officer na naging maayos ang lahat ng transaksiyon.
Nagsagawa ng final briefing ang mga Electoral Boards sa mga gagawin pagkatapos ng poll closing, at ibinigay ng COMELEC ang step-by-step procedure para sa mga susunod na hakbang.