MMDA, handang magpadala ng search and rescue team sa Morocco

MMDA, handang magpadala ng search and rescue team sa Morocco

IPINAABOT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kaniyang pakikiramay sa mga taga-Morocco na lubos na tinamaan ng 6.8-magnitude na lindol.

Nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Marcos na magbigay ng anumang tulong sa Morocco para sa mabilis na pagbangon ng bansa.

Para sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), handa sila sakaling ipag-utos ng Pangulo na mag-deploy ng mga tauhan sa Morocco para tumulong sa search and rescue.

Ayon kay MMDA acting Chairman Romando Artes, inabisuhan na sila ng Office of the Civil Defense (OCD) na maghanda sakaling kakailanganing magpadala ng tauhan.

“Tayo naman ay may mga staff na trained. In fact nagawa na natin iyan sa Turkiye. So tayo ay nakahanda, ‘yung ating mga gamit, kagamitan, rescue equipment at ‘yung mga tauhan natin ay nakahanda kung sakaling ipatawag ng ating Pangulo para ipadala sa Morocco para tumulong sa search and rescue dahil doon sa nangyaring trahedya dulot ng lindol,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Matatandaan na nagpadala rin ang MMDA ng mga tauhan sa bansang Turkiye nitong Pebrero 2023 para tumulong sa search at rescue operation.

Ito’y matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa nasabing bansa.

Ipinagmalaki ng MMDA na hindi nagpapahuli ang mga modernong kagamitan ng Philippine contingent mula sa MMDA na naging daan upang mas naging mabilis ang kanilang operasyon sa Turkiye.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble