GUMAGAPANG sa trapik – ‘yan ang asahan ng mga dadaan sa EDSA simula sa ikalawang linggo ng Disyembre ayon sa MMDA.
Kaya Paalala sa ating mga kababayan, magbaon ng mahabang pasensya.
Naka-plano na ba kayo ng petsa kung kailan kayo uuwi sa inyong mga probinsya ngayong holiday season?
Paalala sa mga kababayan, planuhin na ito ng mas maaga lalo na kung kayo ay dadaan sa EDSA.
Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ngayon pa lang ay pumapalo na sa higit 400,000 ang traffic volume sa EDSA kada araw.
Dahil diyan, ang average normal speed na 21 kilometers per hour ay bumaba na sa 18 kilometers per hour dahil sa usad pagong ng mga sasakyan na dumadaan sa EDSA.
Pero, asahan pa na habang papalapit ang Pasko ay mas magiging malala pa ang trapik sa EDSA.
Ito ay matapos temporaryong pinayagan ng ahensya ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA simula December 20 hanggang January 2 pero sa limitadong oras lamang.
Oras nang pagdaan ng provincial buses na dadaan sa EDSA:
December 20 hanggang December 25 (10:00 p.m. hanggang 5:00 a.m.)
December 26 hanggang January 2, 2024 (24 hours)
‘’We expect this coming second and third week to reach more 470,000 to 480,000 na talagang naman pong magpapasikip ng daloy ng traffic. We expect na puwede bang bumaba sa 15 kilometers per hour going to second and third week,’’ ayon kay Atty. Romando Artes.
Sa datos ng MMDA, aabot sa 2,000 mga provincial bus mula sa iba’t ibang kumpanya ang dadaan sa EDSA.
‘’Kaya araw na rin namin na makadagdag pa pero at the same we want to give you an opportunity na mabilis ‘yung turn around na makapag-cater ng mas maraming pasahero para maging convenient sa ating kababayan at mabilis ‘yung kanilang makauwi sa probinsya,’’ saad ni Artes.
Bukod sa mga uuwi sa kanilang probinsya ngayong holiday season na may dalang sasakyan – nagpapaalala rin ang MMDA maging sa mga komyuter na sumasakay ng mga motorcycle taxi.
Kasunod ito sa mga ulat na marami ang sangkot sa insidente na mga motorcycle taxi – sabi ni Artes importante ang pagsunod sa batas trapiko.
‘’I-maintain ‘yung kanilang sasakyan at maging maingat sa pagmamaneho. Magbaon ng pasensya huwag masyadong magmadali, planuhin ang pagbiyahe lalong lalo ngayong Pasko,’’ ani Atty. Romando Artes.
Kaugnay niyan, ilang biyahe na rin papuntang Bicol ang fully booked na.
Ito ay matapos pulungin ng MMDA ang mga provincial bus representative mula sa iba’t ibang pribadong kumpanya.
‘’Yung local route which is CALABARZON ay normal naman ‘yan na on the day itself ay nagdadatingan ang mga tao. Pero, ‘yung Bicol ay fully booked na pati Visayas,’’ ayon kay Noli Pili Operations Manager, DLTB Bus Company.
Maaari pa rin naman daw’na makabili ng ticket ang mga walk-ins sa oras may mga pasahero na hindi pumunta sa nakatakdang araw.
Sapat ang kanilang suplay ng bus na bibiyahe palabas ng Metro Manila at maging ang pabalik.
Sa ngayon ay nasa 100 special permits ang naibigay sa kanila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ngayong holiday season.