MMDA, nag-deploy ng team sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Paeng sa Maguindanao

MMDA, nag-deploy ng team sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Paeng sa Maguindanao

NAG-DEPLOY ngayong araw ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 28-man team para magbigay-tulong sa mga apektadong komunidad sa Maguindanao kasunod ng pananalasa ng Bagyong Paeng.

Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, ang team na binubuo ng mga tauhan mula sa Public Safety Division ay tutungo sa bawat bayan na sinalanta ng bagyo sa Maguindanao para magbigay ng malinis na tubig sa mga biktima.

Tutulong din ang mga ito sa isinasagawang clearing operations sa mga kalsadang apektado ng matinding pagbaha at landslide doon.

Ang deployment ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng government agencies na iprayoridad ang pagpapadala ng mga supply ng inuming tubig sa mga biktima ng bagyo sa probinsya.

Ayon sa MMDA, may dala ang nasabing team ng 40 units ng portable water purification systems na may kapasidad na mag-filter ng 180 gallons ng tubig kada oras at ilang materyales para sa road clearing operations.

Inatasan din ang mga ito na makipagtulungan sa 6th Infantry Division ng Philippine Army at mananatili sa Maguindanao sa loob ng 15 araw.

 

Follow SMNI News on Twitter