Mobile Operations Vehicles for Emergency ng DICT, nai-deploy na sa Regions 2, 3, at 5

Mobile Operations Vehicles for Emergency ng DICT, nai-deploy na sa Regions 2, 3, at 5

NAKAPAG-deploy na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Mobile Operations Vehicles for Emergency (MOVE) sa Region 2, 3 at 5 partikular sa mga probinsiya ng Cagayan, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Camarines Sur, at Catanduanes.

Sinabi ni DICT Spokesperson Assistant Secretary Renato “Aboy” Paraiso na nakapaloob sa mga sasakyang ito ang emergency equipment para sa emergency communication katulad ng VSATs, mobile apertures at iba’t ibang mga kagamitan.

“Iyong MOVE sets ho natin; mayroon ho tayong mga pickup, mayroon ho tayong mga trucks – these are all mobile operations vehicles kung saan ho nandoon ho iyong mga monitors ho natin – namo-monitor natin iyong restoration ng communications ho natin,” ayon kay Asec. Renato Paraiso, Spokesperson, DICT.

Malaking tulong aniya ang mga kagamitang ito para sa mga emergency responder na magtuluy-tuloy ang kanilang komunikasyon gayundin ng local government units (LGUs) at maging ng mga ordinaryong mamamayang apektado ng kalamidad.

“Tuluy-tuloy ho iyong pagbibigay ho ng mga frontline services of the government, specially during disasters ho; at para naman ho sa mga ordinaryong kababayan natin, maa-assure nila iyong mga mahal nila sa buhay na ligtas sila,” ani Paraiso.

Dagdag ng opisyal, prayoridad sa ngayon para sa equipment na ito ang mga disaster response center dahil mas kailangan nila ang komunikayon upang mapahusay ang kanilang paghahatid ng tulong.

“Iyong mga DRRMC ng mga iba’t ibang mga lokalidad doon ay doon ho natin naka-focus ito. Kung mayroon naman ho talagang mga apektadong-apektadong lugar ay nagbibigay tayo ng mga access points para naman ho sa mga kababayan natin na makausap iyong mga mahal nila sa buhay.”

“But again, we would welcome the opportunity na kapag halimbawa ho medyo maluwag-luwag na pinapahiram din ho natin sa mga kababayan natin para makapag-communicate din ho sila with each other,” aniya.

Mananatili naman anga mga nasabing equipment hangga’t kailangan ang mga ito doon sa mga apektadong lugar.

Binanggit naman ni Parasio na ang mga lugar na tinamaan ng bagyo ay mayroon nang signal, subalit, napaka-limitado pa lamang ang paggagamitan ng binibigay ng DICT.

Marami-marami pa rin aniya ang kailangang i-restore ang signal ng mga mobile network operator.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble