Modernisasyon ng PCG, itataguyod ni Jinggoy

Modernisasyon ng PCG, itataguyod ni Jinggoy

ITINATAGUYOD ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang makaagapay ito at agarang makatugon sa mga maritime emergencies.

Bunsod ito ng mga pinakahuling kaganapan sa maritime sector.

Tinukoy ni Estrada ang aksidenteng kinasangkutan ng oil tanker na lumubog sa Oriental Mindoro na nakaaapekto na sa 4 na probinsiya dahil sa tumatagas na langis na lulan nito, at ang mga insidente ng panggigipit ng puwersa ng China sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

 “Imbes na magturuan o magsisihan sa nangyaring pagkalat ng oil slick dulot ng paglubog ng MT Princess Empress, hanapin natin ang solusyon dahil mauulit at mauulit ang mga ganitong aksidente,” ani Estrada.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2016 o ang panukalang Philippine Coast Guard Modernization Act, sinabi ng chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security na panahon na para ma-upgrade ang logistical support ng pinaka-una at tanging humanitarian armed service ng Pilipinas.

Isiniwalat kamakailan ng mga opisyal ng PCG na ang mga kasalukuyang assets nito ay hindi sapat para magpatrolya sa karagatan na sakop ng bansa at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa mapaniil at nanghihimasok na mga dayuhan.

“Ang PCG ay pinagkalooban ng kapangyarihan na gampanan ang limang pangunahing tungkulin na may kinalaman sa maritime safety, security, search and rescue, law enforcement at environmental protection. Sa harap ng napakabigat na mga gawain para maipatupad ang mga regulasyon alinsunod sa maritime international conventions, treaties at mga batas natin, hindi sapat ang pagkakaroon ng fleet na binubuo lamang nga tatlong offshore patrol vessel para gampanan ang kanilang mapanganib at kritikal na mga tungkulin,” sabi ng beteranong mambabatas.

Inilatag ni Estrada sa kaniyang panukalang batas ang 15-taong modernization program na magbibigay daan para maisakatuparan ang pag-upgrade ng assets at mapabuti ang kakayahan ng PCG na magampanan ang mga mandato nito na pinag-uutos ng mga umiiral na batas.

Layon ng iminungkahing modernization program ni Estrada na mapabilis ang pagtugon sa search and rescue operations at malaki ang mai-ambag na masiguro ang mga maritime zone at nasasakupang dagat ng bansa laban sa terorismo at iba pang elemento na banta sa pambansang seguridad.

Sakop din sa panukalang modernisasyon ng PCG ni Estrada ang restructuring at streamlining ng mga unit at opisina nito para gawing simple ang mga proseso, professionalization ng human resource, pagkuha at pag-upgrade ng mga basic at support facilities para sa administrative and operational services pati na ang pagbili ng pinakamodernong mga kagamitan.

Bilang naatasang “tagapag-alaga ng karagatan,” sinabi ni Estrada na nararapat magkaroon ang PCG ng mahusay at maaasahang sasakyang-dagat na naka-interface sa pinakabagong teknolohiya para maging madali ang mga operasyon nito, mapapagana remotely sa ilalim ng dagat para sa search, retrieval at monitoring operations, mga armas na marine environment resistant at nakadisenyo para hindi mapagana ang gamit ng mga kalaban maging ang kanilang mga kagamitan, magkaroon ng uninterruptible internal communications na interoperable sa ibang mga ahensiya maging sa mga commercial vessels na naglalayag sa loob ng Philippine maritime zones and territorial waters.

“Ang sakop ng EEZ ng bansa ay mas malaki pa kumpara sa kabuuan ng lawak ng ating land area. Kaya’t kailangan ng ating gobyerno na magkaroon ng isang epektibong organisasyon na kayang magbigay proteksyon at pangalagaan ang iba’t ibang likas na yaman sa ating maritime territory at magsilbi na rin na tagapagtanggol laban sa mga nanghihimasok, lawless elements at mapanirang mga gawain,” sabi ni Estrada.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter