Monkeypox, hindi nakakatakot katulad ng COVID 19 – PBBM

Monkeypox, hindi nakakatakot katulad ng COVID 19 – PBBM

IGINIIT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi nakakatakot tulad ng COVID-19 ang monkeypox matapos magkaroon ang bansa ng unang kaso ng nasabing sakit.

Kamakailan nang ipinaalam ng DOH na mayroon ng unang kaso ng monkeypox sa bansa mula sa isang 31-year-old Filipino national na may travel history sa iba’t ibang bansa na may kaso ng monkeypox.

Sa kabila nito ay sinabi naman ni Pangulong Marcos na hindi nakakatakot ang monkeypox kung ikukumpara sa COVID-19.

“Hindi kagaya ng COVID ito. Hindi nakakatakot kagaya ng COVID ‘yung monkeypox parang smallpox marami namang gamot kaya pwede naman nating gamutin,” pahayag ni Pangulong BBM.

Pero ganunpaman, ayon sa Pangulo kailangan magkaroon ang bawat isa ng proper sanitation para makaiwas dito.

“Mag-ingat lang tayo sa sanitation ‘yung mga bagay-bagay na ganyan. Pero sa ngayon ‘yung monkeypox ay talagang nakabantay tayo dahil nasanay na tayo dito sa COVID nakabantay tayo nang husto. Pero siguro masasabi natin sa ngayon na wala tayong kaso dito sa Pilipinas,” ayon sa Pangulo.

Samantala, kinumpirma ng DOH na gaya ng lumalabas sa obserbasyon ng ibang bansa, 95 porsiyento ng monkeypox cases ay nata-transmit sa pamamagitan ng sexual activity.

Ngunit pinaalalahanan ni DOH OIC Usec. Rosario Vergerie ang publiko na hindi dapat magpokus sa sexually transmitted lang ang monkeypox.

“Internationaly, globally na sinasabi ng ating mga eksperto at ng mga bansa na nakapagtala ng ganitong impeksyon. Sa ngayon ating mino-mobilize lahat kasi kailangan nating ipaalala sa mga tao hindi lang po ‘yan ang means of transmission anybody can get monkeypox. So, hindi tayo pwede magpokus na sexually transmitted lang. Kailangan lahat ng tao aware and vigilant of that they can also get this (monkeypox) if they will not protect themselves,” pahayag ni Vergerie.

Sinabi rin ni Vergerie na wala pa silang nakikitang dahilan para muling maghigpit ang bansa sa border control kasunod ng unang kaso ng monkeypox.

“Itong pagsasara ng borders ay hindi pa kinakailangan. Unang-una kahit WHO sinabi ang risk ng monkeypox is just low to moderate,” ayon kay Vergerie.

Sa update ng DOH, nakaisolate pa rin ang unang pasyente ng monkeypox dito sa bansa habang ang mga close contact naman nito ay hindi pa nakikitaan ng sintomas ng sakit.

“Ang ating first detected case natin recovering well. Naka-isolate siya sa kanilang pamamahay. Siya ay nagkakaroon na ng pagtuyo ng lessions niya so ibig sabihin on his way to recovery. Pangalawa, wala pa tayong ibang detections ng monkeypox dito sa ating bansa. ‘Yun pong ating mga close contacts lahat po naka-quarantine walang nag-i-exhibit ng kahit na anong sintomas,” pagtitiyak ni Vergerie.

Follow SMNI News on Twitter