HINDI pinaboran ng Sandiganbayan ang mosyon ni Iloilo Rep. at dating Health Sec. Janette Garin na mai-dismiss ang kasong inihain laban sa kaniya hinggil sa kontrobersiyal na Dengvaxia issue.
Paliwanag ng Sandiganbayan, mahaba-habang panahon ang ginugol ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman para pag-aaralan ang mga dokumentong inihain sa kanila kaugnay sa imbestigasyon ng Dengvaxia case.
Ibig sabihin, dumaan ito sa maayos at maingat na pag-aaral at pagsusuri bago nagpalabas ng resolusyon na naging basehan sa kaso laban kay Garin at sa mga kapwa akusado nito.
Kasama ni Garin sa mga akusado sa Dengvaxia case sina dating Health Sec. Francisco Duque III, ang executives ng vaccine manufacturer na Sanofi Pasteur Inc. at ang vaccine distributor na Zuellig Pharma, mga opisyal ng Research Institute for Tropical Medicine, Philippine Children’s Medical Center at Food and Drug Administration.