HULI cam ang isang motorista matapos 309 na beses umanong dumaan sa EDSA Busway mula Agosto 2024 hanggang nito lang Biyernes, Hunyo 13 ngayon taon, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes.
Ayon sa ahensya, siyam sa mga naturang paglabag ay nangyari matapos muling ipatupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP). Tinatayang mahigit ₱150,000 ang kailangang bayaran ng motorista bilang multa.
Kaugnay nito, nagsampa na ang MMDA ng reklamo sa Land Transportation Office para mapatawan ng karampatang parusa ang naturang motorista—kabilang na ang posibleng suspensyon o kanselasyon ng kanyang lisensya.
Paliwanag ni Chairman Artes, ginagawa umano ito ng motorista tuwing gabi marahil para makaiwas sa hulihan—dahil madilim, walang enforcer, at umaasa na hindi siya makukuhanan ng ebidensya.
Pero giit ng MMDA, kahit gabi at may headlight, malinaw pa ring nakukuhanan ng CCTV ang plaka ng sasakyan.
“Kailangan nating mag-instill ng disiplina na kahit walang enforcer sa daan, kailangan pa ring sumunod sa batas trapiko dahil alam nilang hindi sila makakalusot. May CCTV cameras tayo na huhuli,” ayon kay Atty. Romando Artes.
Sa kabilang banda, nilinaw ni Chairman Artes na ang NCAP ay hindi negosyo, kundi para mapanatili ang disiplina sa kalsada kahit walang presensya ng mga enforcer.
“Pinag-aaralan na po namin for endorsement sa Metro Manila Council na instead na fine o penalty, ay community service. Tamang-tama po, may mga programa kami na paglilinis ng estero at kanal para po malabanan ang pagbaha, maalis ‘yung mga basura sa kanal. Pinag-aaralan po namin na instead na pera ang ibayad nila, ay community service na lamang,” saad ni Atty. Artes.