‘Mrs. Sibuyas’ gisado sa Kamara sa isyu ng talbog na tseke

‘Mrs. Sibuyas’ gisado sa Kamara sa isyu ng talbog na tseke

GISADO na naman si Lilia “Leah” Cruz o ang binansagang si Mrs. Sibuyas sa muling pagharap nito sa imbestigasyon sa Kamara sa isyu ng onion importation.

Sa pagtatanong ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, naungkat ang umano’y pag-iisyu ni Cruz ng talbog na tseke sa mga magsisibuyas.

Ani Marcoleta, kawawa ang mga magsasaka sa ginagawa ni Mrs. Sibuyas dahil walang laman ang binabayad na tseke sa kanila dahilan para malugi ang kanilang negosyo.

Saad pa ng beteranong mambabatas, nasa 30 talbog na tseke ang ipinadala sa kanya ng mga magsasaka na pakana umano ni Mrs. Sibuyas.

‘’Gusto kong ipakita ko sa’yo mga trenta to eh? Pinalitan mo? Bakit ganun ka kasi makipagnegosyo sa kanila? Kawawa ang mga farmers, kakasangkapanin niyo sila. Meron kang taga bili, kasi titimbangin yan alam mo kawawa ang farmers eh. Iisyuhan mo ng cheque tapos tatalbog,’’ ani Marcoleta.

Tumanggi namang sumagot si Cruz sa tanong ni Marcoleta at kalauna’y tinanggi ang isyu ng ‘bounced checks.’

Nanindigan din nito na ‘settled’ na ang nasabing mga tseke bagay na hindi pinaniwalaan ni Marcoleta.

Pinagbigyan naman si Mrs. Sibuyas sa kanyang request na gawing executive session na lamang ang hearing para sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman sa isyu ng onion smuggling.

Follow SMNI NEWS in Twitter